Ficool

Chapter 5 - Part V

Hindi ko alam na puwedeng maging ganito kaingay ang katahimikan, hanggang sa gabing natuklasan ko ang totoo. Bawat tik-tak ng orasan, parang paratang. Bawat paghinga ko, parang ninanakaw. Parang nabubuhay pa rin ako sa mundong hindi na akin. Nakaupo ako sa gilid ng kama na minsang pinagsaluhan namin ni Daniel, nakatitig sa bahagyang bakas ng ulo niya sa unan.

Nando'n pa rin ang amoy ng pabango niya. Naiinis ako sa sarili kong napansin ko pa 'yon. Naiinis ako kasi... nagmamalasakit pa rin ako. Akala ng iba, ang pagtataksil ay dumarating na parang kulog: malakas, biglaan. Pero sa akin, dumating ito nang tahimik. Parang agnas sa ilalim ng pader, paunti-unti, hindi halata, matiyaga, hanggang sa isang araw, gumuho na lang lahat.

Labindalawang taon kong itinayo at inilalaban ang pagsasama naming mag-asawa. Pinaniwalaan kong kayang mabuhay ng pag-ibig kahit may distansya, katahimikan, at kirot ng kawalan. No'ng sinabi ng doktor na hindi ako maaaring magdalang-tao, hinawakan ni Daniel ang kamay ko at mahina niyang sabi,"Okay lang 'yan, Claire. Malalampasan natin 'to."

Umiyak ako sa dibdib niya no'ng gabing 'yon, buong paniniwalang totoo siya. Ngayon, hindi ko maiwasang isipin: alam na ba niya noon? Na baka sa mismong sandaling 'yon, iniisip na niya ang ibang babae. Ibang anak.

Kinabukasan, bumaba ako sa kusina. Naabutan ko si Anna na nagbubuhos ng kape sa tasa. Mabagal ang mga galaw niya ngayon, maingat, parang may tinatago. Hindi siya tumingin sa akin, pero nakita ko na agad ang bahagyang umbok sa ilalim ng blouse niya. Hindi na maitago ng kahit anong maluwag na damit.

"Good morning," sabi ko, kalmado ang boses ko.

Nagulat siya. "G-good morning, ma'am."

Naroon sa tono niya ang takot. Umupo ako, pinanood ang usok na umaakyat sa tasa ko.

"Kumusta ka, Anna? Parang pagod ka."

Sandali siyang natigilan. "Medyo nahihilo lang po minsan. A-ayos lang po ako, ma'am."

Hinalo ko ang kape ko. "Baka morning sickness lang?"

Bigla siyang napatigil. Pag-angat ng tingin niya, halatang may takot sa kanyang mga mata. "A-ano pong ibig n'yong sabihin, ma'am?"

Tinitigan ko siya. "Hindi mo kailangang magsinungaling. Alam ko na."

Bumuka ang labi niya pero walang lumabas na salita. Ilang sandali siyang nakatulala, tapos biglang napuno ng luha ang mga mata niya.

"Ma'am…" garalgal ang boses niya. "I'm sorry."

Dalawang salita lang. Maliit, nanginginig, pero mas mabigat pa sa sampal. Tumango ako nang dahan-dahan, pilit pinipigil ang sarili kong mabasag.

"Ilang buwan na?"

Tahimik bago siya bumulong, "Tatlong buwan na po."

Tatlong buwan.

Tatlong buwan mula noong anibersaryo namin ni Daniel sa Tagaytay. Binigyan niya ako ng silver bracelet. Sinabi pa niyang gusto niyang lagi kong maalala kung gaano niya ako kamahal. Sa gabing 'yon, nasabi ko sa kanya na pangarap ko pa ring marinig ang tawa ng isang bata sa bahay namin, baka puwede kaming mag-ampon. Hinalikan niya ang noo ko at sinabing, "Pag-uusapan natin 'yan soon."

Ngayon ko naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. May binubuo na pala siyang pangarap, pero hindi kasama ako. Kundi kasama ang iba.

Tuloy-tuloy ang pagluha ni Anna.

"Hindi ko po sinadya. Sabi niya… sabi niya hindi n'yo na raw siya mahal. Na nandiyan lang po kayo para sa pera."

Nilunok ko ang pait na gumuguhit sa lalamunan ko. "At naniwala ka?"

Mahina siyang tumango. "Noong una, oo. Pero ngayon, alam kong hindi totoo. Nakita ko kung paano n'yo siya tinitingnan. I'm so sorry, ma'am. Hindi ko alam kung anong gagawin."Gusto kong sumigaw. Magbasag ng baso. Ibagsak 'yung tasa para lang marinig ko ang tunog ng pagkawasak. Pero imbes na gawin yun, tinitigan ko siya. May guilt sa mga mata niya, pero higit pa ro'n, may takot. At sa ilalim ng lahat ng 'yon, may pamilyar na sakit, 'yung sakit ng pagkatiwala sa maling tao.

"Magpahinga ka muna," sabi ko mahina. "Kailangan mong alagaan ang sarili mo."

Nagtaka siya. "Hindi po kayo galit?"

"Galit ako," aminado ko. "Pero hindi maaayos ng galit ang mga sirang bagay."

Tumango siya, tuloy-tuloy pa rin ang luha. "Kung gusto n'yo pong umalis ako—""Hindi pa," sagot ko. "Mananatili ka muna… hanggang sa makapagdesisyon ako."Hindi niya naintindihan, pero hindi siya tumutol. Lumakad siya palayo, magaan ang mga hakbang, parang natatakot gumawa ng ingay. Naiwan akong nakatingin sa kape kong hindi ko nalasahan. Wala na ang usok, pero naiwan ang pait, tulad ng lahat sa buhay ko.

Nang hapon na 'yon, binuksan ko ang lumang photo album namin. Kami ni Daniel sa kasal, magkahawak, parehong nakangiti, akala mo walang hanggan. Isa pang larawan na nakapatong ang mga kamay niya sa tiyan ko, kunwari may buhay sa loob.

Ngayon, may buhay nga. Pero hindi sa akin.

Tinapik ko ang mukha niya sa larawan. "Naging sapat ba ako?" bulong ko. Katahimikan lang ang sumagot.

Kinagabihan, maaga siyang umuwi. Hinalikan ang pisngi ko, nagtanong kung anong ulam, parang walang nangyari. Nakipagsabay akong magpanggap. Matagal na rin naming ginagawa 'yon, ang magpanggap na ayos lang.

Habang kumakain, napatingin siya sa bakanteng upuan ni Anna.

"Nasaan si Anna?"

"Namamahinga," kalmado kong sagot. "Masama ang pakiramdam."

Sandali siyang natigilan. "May sakit ba siya?"

"Parang gano'n."

Tumango siya, pero nakita ko ang paggalaw ng kamay niya, mahigpit na hawak ang baso, bahagyang nanginginig. Sa unang pagkakataon, halos maawa ako sa kanya. Halos.

Pagtulog namin, iniisip ko pa rin 'yung sinabi ni Anna, ang mga kasinungalingang pinaniwalaan niya. Lagi siyang mahusay sa gano'n. Marunong siyang gumawa ng istorya. Kaya niyang magmukhang biktima sa simpleng buntong-hininga at malungkot na ngiti. Matagal ko na 'yung alam pero hindi ko naisip na gagawin niya rin sa akin. Ngayon ko lang talaga nakita:

'Yung lalaking minahal ko, baka hindi naman talaga siya totoo. Isa lang siyang maskara, magalang, mabait, mapagkumbaba. At ako, nahulog sa ilusyon. May nabasag sa loob ko. Pero may nabuo rin. Kasi sa unang pagkakataon, nakita ko nang malinaw at maliwanag pa sa sikat ng araw. Nakita ko siya kung sino talaga siya. At nakita ko rin ang sarili ko. Hindi bilang asawa niya, kundi bilang babaeng matagal niyang minamaliit.

Kinabukasan, nagpunta ako sa simbahan. Unang beses sa napakatagal na panahon. Tahimik. Walang tao. Ang mga kandila, mahinang kumikislap, parang pintig ng mga pusong pagod na.

"Diyos ko," bulong ko, "hindi ko alam kung anong gagawin ko. Tulongan nyo po ako na maliwanagan ang isip at puso ko."

Walang sagot. Walang tinig. Pero may nararamdaman ako sa loob ko. Hindi iyon kapayapaan, pero lakas. Na-realize ko: Ang pagpapatawad, hindi kahinaan. At ang paghihiganti, hindi laging pagkawasak. Minsan, ito ang paraan para mabawi mo kung ano'ng ninakaw sa'yo. Ang dangal, ang kapangyarihan, ang sarili mo.

Sinindihan ko ang kandila. "Para sa lakas at pagbangon ko," bulong ko sa sarili habang nangingilid ang luha sa aking mga mata.

Pag-uwi ko, nakita ko si Anna sa may balkonahe. Namamaga ang mga mata.

Tumayo siya nang makita ako.

"Ma'am… pasensya na po. Hindi ko po sinadyang saktan kayo."

Umupo ako sa tabi niya. "Mahal mo ba siya?"

Matagal siyang natahimik. "Akala ko, oo."

"At ngayon?"

Yumuko siya. "Ngayon, natatakot na ako. Hindi ko na alam kung alin ang tama."

Tumango ako. "May dinadala kang inosenteng buhay. Anuman ang mangyari, deserve ng batang 'yon ng mas maayos kaysa sa gulong ginawa natin."

Umiyak siya, mahigpit na hinahaplos ang tiyan. "Anong gagawin n'yo, ma'am?"

Huminga ako nang malalim. "Sa ngayon? Wala. Pero malapit na."

Napatingin siya, naguguluhan. Pero hindi ko ipinaliwanag. Hindi pa. Kasi ang tunay na paghihiganti, hindi galing sa galit kundi galing 'yon sa kaliwanagan. Hihintayin mong tumigil ang panginginig ng puso mo. Hanggang sa ang sakit, maging lakas. At naroon na ako. Halos.

Kinagabihan, habang natutulog si Daniel sa tabi ko, ramdam ko ang kakaibang katahimikan. Tahimik siya, payapa. Walang kamalay-malay na unti-unti nang nabibitak ang mundong ginagalawan niya. Hinaplos ko ang kamay niya, huling beses na siguro. Sandali kong naalala ang mga tawa, mga pangarap, at ang init ng mga panahong akala ko totoo. Tapos binitiwan ko. Bumulong siya sa panaginip, tinawag ang pangalan ko. At mahinahon kong sabi, "Matulog ka lang, Daniel. Kakailanganin mo 'yan."

Dahil malapit na. Matatapos na ang katahimikan. At pag dumating ang oras na 'yon, hindi na 'yon bagyo kundi katarungan.

More Chapters