Ficool

Chapter 7 - Part VII

Pagkatapos ng gabing 'yun, tumigil na akong magpanggap. Gumagalaw pa rin ako na parang asawa, nagluluto, nagtatrabaho, sumasagot sa mga text niya kapag kailangan. Pero sa loob ko, ibang-iba na ako. Parang anino na unti-unting nagiging bagyo.

Nag-fade na ang pasa sa braso ko, pero hindi ang alaala. Sa tuwing tinitingnan ko 'yon, naririnig ko pa rin ang sinabi niya: "Ni anak, hindi mo ako mabigyan." Hindi niya 'yon sinabi bilang sumbat kundi bilang hatol. At mas masakit 'yon.

Dalawang araw kong tiniis. Hindi ko siya kinompronta. Hinayaan ko siyang malunod sa sarili niyang kaguluhan. Sinubukan niyang magpanggap na normal. Isang gabi, umuwi siyang may dalang bulaklak, mga pulang rosas na amoy alak pa rin. Ngumiti siya, hinalikan ang pisngi ko, at sabi, "Gusto kong ayusin lahat, Claire." Ngumiti lang ako pabalik. Hindi niya napansin na 'yung ngiti ko, hindi umabot sa mga mata ko.

Habang naliligo siya nung gabing 'yon, pumasok ako sa opisina niya. Wala na roon ang mga dokumentong tinatago niya. Walang laman ang mga drawer, burado ang mga files sa laptop. Pero kilala ko siya. Masyado siyang mayabang para burahin lahat. Alam kong may tinago pa siya. Sinuyod ko ang paligid, sa likod ng mga libro, loob ng mga folder, ilalim ng carpet pero wala. Hanggang sa napansin ko 'yung maliit na markang hindi pantay sa dingding, malapit sa bookshelf. Pinisil ko nang marahan, at gumalaw ang panel ng kahoy. Sa loob, may maliit na metal na safe.

"Gotcha," bulong ko.

Hindi ko 'yon binuksan. Hindi pa ngayon. Kinuhanan ko muna ng pictures, serial number, pati mga papel na bahagyang kita sa loob. Tapos, ibinalik ko nang eksakto sa pagkakalagay. Ang plano ko, hindi harapan. Ito ay patibong para maniwala siyang hawak pa rin niya ang lahat, hanggang siya mismo ang mahulog sa bitag.

Tahimik si Anna mula nung gabing sinaktan ako ni Daniel. Patuloy pa rin siyang naglilinis, pero iba na ang tingin niya, may halong takot at konsensya.Isang hapon, nadatnan ko siyang nakatayo sa may labahan, nakatingin lang sa kumakampay na basang kumot.

"Anna," tawag ko nang dahan-dahan.

Nagulat siya. "Ma'am, sorry po, napaisip lang—"

"It's okay," sabi ko. "Ligtas ka dito."

Napuno ng luha ang mga mata niya. "Wala naman sigurong ligtas sa kanya, ma'am."

Tinitigan ko siya. "May ginawa na naman ba siya?"

Nagdalawang-isip siya bago sumagot. "Lumapit siya kagabi. Hindi niya ako sinaktan pero…"

"Pero ano?"

"Sinabi niyang tumakas daw kami. Papunta ng Maynila. Na aalagaan daw niya ako at 'yung baby, na sisiguraduhin niyang hindi ko na kayo makikita."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig.

"Anong sinabi mo?" tanong ko, halos hindi ko marinig ang sarili ko.

Yumuko siya. "Sinabi kong oo."

Natigilan ako. Hindi ako makagalaw.

"Bakit?" mahina kong tanong.

Humikbi siya. "Kasi gusto kong malaman kung hanggang saan ang kaya niyang gawin. Sabi n'yo po, manatili ako para maging ligtas. Pero paano kung may mas masama pa siyang plano? Paano kung kayo naman ang saktan niya ulit?"

Tinitigan ko siya, 'yung nanginginig niyang labi, 'yung takot sa mga mata niya, pero may halong tapang sa ilalim noon.

"Sinabi mong oo… para protektahan ako?"

Tumango siya nang marahan. "Oo, ma'am. Nagtiwala na siya ulit sa akin. Malalaman ko kung ano pa ang plano niya."

Napahinga ako nang malalim. Si Anna, 'yung dating kinakaawaan ko, ngayon, matapang na.Kinagabihan, kumatok siya sa kwarto ko. Nanginginig ang mga kamay.

"Ma'am, binigay niya 'to."

Inabot niya sa akin ang maliit na sobre. Sa loob, may mga papel, withdrawal forms, peke ang pirma ko. Sa dulo, nakasulat ang pangalan ko, halos eksaktong kopya.

"Plano niyang ubusin ang natitirang pera n'yo bukas," sabi niya. "Gagawin niyang mukhang tumakas kayo kasama ng ibang lalaki."

Tinitigan ko ang mga papel, naramdaman kong kumikirot ang dibdib ko sa galit.

"Gusto niyang burahin ako."

"May sinabi pa siya," dagdag ni Anna. "Kapag nakaalis na raw kami, aasikasuhin ka raw niya nang tahimik. Hindi ko alam kung ano ibig sabihin noon, pero parang masama."

Inayos ko ulit ang mga papel, pinigil ang panginginig ng kamay ko.

"Tama ang ginawa mo, Anna."

"Natataranta ako, ma'am," bulong niya.

"Pati siya," sagot ko.

Kinabukasan, maaga kaming pumunta sa bangko ni Angela. Pinahold namin ang mga account at sinumite ang mga kopya ng peke niyang forms. Nagulat ang manager dahil dumaan daw si Daniel noong isang araw, charm mode as usual, nagrerequest ng parehong dokumento.

"Hindi niya 'to inaasahan," sabi ni Angela. "Pag sinubukan niyang galawin ang pera, automatic na malolock out siya."

Tumango ako. "Sige. Hayaan natin siyang subukan."

Pagsapit ng gabi, bumuhos ang bagyo, literal at emosyonal. Kulog, kidlat, ulan. Lalong lumamig ang bahay. Pumasok si Daniel, basang-basa, galit na galit. "Anong ginawa mo?"

Tumingin ako mula sa sofa, kalmado. "Ano bang sinasabi mo?"

"Naka-freeze ang mga account ko! Nawawala ang pondo ng kumpanya! Nilalaro mo ba ako?"

Tumayo ako. "Hindi ako naglalaro, Daniel. Ikaw."

Tinampal niya ang mesa, halos mabasag. "Sobra ka na!"

"Hindi," sagot ko nang mahinahon. "Ikaw ang sumobra."

Lumapit siya, galit, nagpipigil ang mga kamao niya. Akala ko sasaktan niya ulit ako pero biglang nagsalita si Anna.

"Daniel, tama na!"

Pareho kaming napalingon. Nakatayo siya sa pintuan, nanginginig pero matatag ang tingin.

"Anong ginagawa mo rito?" singhal niya. "Sabi ko, mag-empake ka!"

Umiling siya. "Hindi ako sasama sa'yo."

Nagbago ang tono ni Daniel, malamig, nakakatakot. "Huwag mo akong subukan—"

"Anong gagawin mo?" sabat ko. "Sasaktan mo din siya? Katulad ng ginawa mo sa akin?"

Napatigil siya. Kita ko sa mukha niya ang pinaghalong takot at galit.

"Akala mo, kaya mo akong sirain?" singhal niya. "Wala kang silbi kung wala ako, Claire."

Ngumiti ako nang payapa. "Baka nga. Pero at least, hindi na ako nagpapanggap."

Lumingon siya kay Anna. "Pati ikaw? Niloko mo rin ako?"

Naiiyak si Anna pero matatag. "Hindi mo naman ako minahal. Ginamit mo lang ako katulad ng ginawa mo sa kanya."

"Wala kang karapatang—" sigaw niya, pero naputol nang biglang magsalita ulit si Anna.

"Hindi mo anak 'yung dinadala ko."

Parang tumigil ang oras. Namutla si Daniel. "Ano?"

Tumingin sa akin si Anna, umiiyak. "Hindi kanya, ma'am. Nagsinungaling ako. Buntis na ako bago pa ako pumasok dito. Natakot akong mawalan ng trabaho, kaya sinabi kong kanya. Hindi ko alam na gagamitin niya 'yon laban sa inyo."

Nanginginig ang boses ni Daniel. "Niloko mo ako?"

Tumango si Anna. "Oo. At uulitin ko 'yon kung 'yon lang ang paraan para makita niya kung sino ka talaga."

Sa unang beses, nakita ko siyang tuluyang bumagsak, hindi dahil sa hiya, kundi dahil sa nabasag niyang kayabangan.

Lumingon siya sa akin, desperado. "Akala mo, maniniwala sila sa inyo?"

Ngumiti ako. "Hindi nila kailangan. Magsasalita ang mga ebidensya, 'yung bank records, peke mong pirma, at 'yung tinatago mong safe."

Napanganga siya. "Nirecord mo ako, 'di ba?"

Hindi ako sumagot. Hindi ko na kailangan. Umalis siya nang gabing 'yon. Walang dala, walang salita. Tanging tunog lang ng pinto ang naiwan. Nakatayo lang kami ni Anna, parehong nanginginig sa takot, at sa lahat ng pinagdaanan.

"Ligtas na ba tayo, ma'am?" bulong niya.

"Hindi pa," sabi ko. "Pero malapit na."

Kasi kilala ko si Daniel. Hindi siya 'yung taong basta nawawala. At sa susunod niyang pagbabalik, handa na ako.

More Chapters