Ang mga araw bago mag-labinlima ay dumaan nang parang kalmado. Si Daniel at si Anna, parang artista sa isang pelikulang ayaw matapos. Sa ilalim ng katahimikan, may alon ng tensyon, makapal, mabigat, parang hangin bago bumagyo. Natuto akong isuot ang katahimikan na parang sandata. Ngumingiti ako sa tamang oras, nagsasalita ng mahinahon, at kunwari walang napapansin. Pero sa loob ko, may unos na unti-unting nagigising. Tahimik, pero handang sumabog kapag oras na.
Umaga ng ika-labing-isa, sabi ni Daniel kailangan daw niyang umalis papuntang Batangas. "Business retreat" daw kasama ang mga investors.
"Bakit biglaan naman?" tanong ko, kalmado ang boses.
Sumagot sya ngunit hindi man lang ako tinitingnan. "Importante 'to, Claire. Alam mo kung gaano kahalaga 'tong project."
"Of course," sagot ko, pilit na nakangiti. "You've been working so hard."
Mukha siyang nakahinga nang maluwag kasi hindi ako nagtanong pa. "You've been really understanding lately. I appreciate that."
Kung alam mo lang.
Kinagabihan, ako pa rin ang nag-ayos ng gamit niya gaya ng dati. Pinlantsa ko 'yung mga polo, nilagay ang toiletries, pati 'yung librong kunwari binabasa niya. Pero sa pagkakataong 'yon, may idinagdag ako, isang maliit na GPS tracker, kasing laki lang ng barya. Hindi dahil gusto ko siyang hanapin. Alam ko na kung saan siya pupunta. Gusto ko lang ng pruweba. Kasi sa puntong 'yon, ang katotohanan na lang ang pag-asa ko.
Nang umalis ang kotse niya, tumayo ako sa bintana, pinanood ang mga ilaw ng tail light hanggang sa tuluyang maglaho. Sampung minuto akong naghintay bago ako naglakad papunta sa likod ng bahay. Tahimik ang maid's quarters, pero may narinig ako. Mahihinang yabag, kaluskos, galaw ng mga aninong sanay magtago. Hindi ko binuksan ang pinto. Hindi pa. Sa halip, pumunta ako sa sala at binuksan 'yung recorder na tinago ko sa likod ng kurtina. Tapos umakyat ako sa kwarto. Hindi ko kailangang makita dahil alam ko na.
Pinakinggan ko ang recording. Mahina, pero malinaw. Boses ni Anna, hingal, kabado."Paano kung malaman nya?"
Sumunod ang boses ni Daniel, mababa, kalmado."She won't. We'll transfer the money before she even realizes. Pagbalik niya mula sa bahay ng kapatid niya, tapos na lahat. You'll be safe."
Tapos saglit na katahimikan. Kaluskos ng damit. Mahinang tawa. Doon ko na-realize ang tunog ng pagtataksil, hindi pala isang sigaw. Isa lang siyang bulong… pero kayang punitin ang buong pagkatao mo.
Kinabukasan, nag-text si Daniel. "Arrived safely in Batangas."
Sumagot ako, "Take care. See you soon."
Binuksan ko ang GPS app. 'Yung maliit na tuldok, steady lang, nasa Quezon City. Hindi Batangas. Ngumiti ako ng mapait. Hindi niya alam, dalawang araw bago pa siya umalis, pumunta na ako sa bangko. Kasama ng abogado ko, kinansela ko lahat ng authorization, pinalitan ang mga PIN, at ni-freeze ang joint accounts. Nagulat pa 'yung clerk nang ngumiti ako at sabihing, "Just a precaution."
Pag tinangkang galawin ni Daniel ang pera ko, lahat ng peke niyang pirma babalik sa kanya, parang kasinungalingang bumabalik. Pero hindi na lang pera 'to. Gusto ko siyang makita, hubad sa dignidad na kunwari meron pa siya.
Kinagabihan, umuwi siyang basa ng ulan, amoy alak. Tahimik siyang pumasok.
"Kamusta ang trip?" tanong ko, kunwari abala sa binabasa.
Sandaling natigilan siya, tapos ngumiti. "Yeah. Productive. Gising ka pa?"
"Hindi makatulog," sabi ko.
Tumango siya habang nag-a-unbutton ng polo. "You worry too much. Everything's fine."
"Talaga ba?"
Napatingin siya. "Anong ibig mong sabihin?"
Tinitigan ko siya. "Parang iba ka na kasi lately. Parang… ang layo mo."
Huminga siya nang malalim. 'Yung buntong-hininga na ginagamit niya kapag gusto niyang tapusin ang usapan. "Claire, we've talked about this. Stressed lang ako."
Tumango ako nang bahagya. "Si Anna din ba, stressed?"
Kita ko kung paano kumurap 'yung mata niya, saglit lang, pero sapat na.
Pinilit niyang tumawa. "What kind of question is that?"
"An honest one."
"Claire, don't do this. She's our maid, that's all."
"Of course," sabi ko, kalmado.
Umupo siya, naglabas ng pagod na buntong-hininga. "I'm taking a shower."
Habang lumalayo siya, mahina kong binulong, "Enjoy it while you can."
Sumunod na mga araw, parang sinusubok ako ng mundo. Si Anna, halos hindi ko makita. Tahimik, iwas sa tingin, parang multo. Lagi raw masama pakiramdam, hindi kumakain.Isang gabi, nadaanan ko siyang nakatayo sa bintana, hawak ang tiyan niya, marahan, tipikal na ginagawa ng mga nagdadalan-tao.
At doon ko nalaman.
Buntis siya.
At si Daniel ang ama.
Gusto ko siyang kamuhian. Pero iba 'yung naramdaman ko. Oo, mali siya pero halatang takot, bata, naloko. Si Daniel ang gumawa ng plano; si Anna lang ang napasama. Pero kahit gano'n, hindi mabubura ng awa ang sakit ng pagtataksil.
Gabi ng ika-labing-apat, huli na naman siyang umuwi. Lukot ang tie, amoy alak.Nakita niya akong nakaupo sa garden, sa ilalim ng malambot na ilaw. Amoy damo at jasmine ang hangin. Sa mesa, may isang envelope.
"Claire," sabi niya, maingat. "Ano 'to?"
Ngumiti ako. "Something I thought you should see."
Binuksan niya. Sa loob, mga litrato, siya at si Anna, malapit sa pinto ng kusina. Hawak niya ang bewang nito. Nakatingala si Anna, may ngiti.
Namutla siya. "Where did you get these?"
"Importante pa ba 'yon?" tanong ko, mahinahon.
"Claire, this isn't what it looks like."
"Oh?" tinitigan ko sya. "Then what is it, Daniel? Please, enlighten me."
Bumuntong hininga sya, halatang kinakabahan. "She was upset. I was comforting her."
Napatawa ako, malamig, mahina, pero masakit pakinggan. "Comforting her? Gano'n na ba ngayon ang tawag sa halikan?"
"Claire—"
"I've been patient," sabi ko, nanginginig ang boses ko kahit pilit kong pinapakalma.
"Sinubukan kong maniwala. Pero matagal mo na akong niloloko."
Tumayo siya, galit. "You're exaggerating!"
"No, Daniel," sagot ko. "Ngayon lang ako nakakita nang malinaw."
Tahimik. Mabigat. Biglang kumulog ang kalangitan at umulan, na para bang ramdam na ramdam ng panahon ang bagyo na namumuo sa pagkatao ko. Hinagod niya ang buhok niya, mukhang naiinis.
"You're wrong."
"I know enough."
Umatras siya, at pabulong na sinabi, "You always overthink things. Maybe that's why we fell apart."
"Or maybe," sabi ko, "it's because you found someone younger."
Natigilan siya.
Lumapit ako. "Buntis siya, 'di ba?"
At doon, sa pagdilat ng mata niya nakuha ko ang sagot. Tahimik kami pareho. Ang ulan, parang musika ng pagtatapos.
"Plano mong kunin lahat sa'kin," mahina kong sabi.
"You don't understand—"
"I understand perfectly."
Tumalikod ako, nanginginig ang kamay pero matatag ang boses. "Sana worth it siya sa lahat ng mawawala sa'yo."
Wala siyang nasabi. Wala siyang kayang sabihin.
Gabing 'yon, mag-isa akong nakahiga sa kama. Tuloy ang ulan, pareho ng tibok ng puso ko, mabilis, mabigat, walang tigil. Bukas na ang ika-labinlima. Ang araw na akala nila magiging katapusan ko. Pero hindi nila alam na matagal ko nang inihanda ang lahat. Ang mga pirma nilang peke, magti-trigger ng imbestigasyon. Ang mga account, naka-freeze. Lahat ng mensahe, recording, naka-back up, may petsa, may oras.
Bukas, malalaman ni Daniel kung ano ang kayang gawin ng katahimikan. Dahil matagal na akong tahimik. At oras na para marinig niya kung gaano kalakas 'yon kapag sumabog.
