Ficool

Chapter 10 - Part X (Finale)

Amoy papel at lumang kahoy ang loob ng korte, pamilyar, pero hindi na kasing bigat ng dati. Isang taon na ang lumipas mula nang matapos ang paglilitis. Ngayon, huling pagdinig na ito para sa annulment ko. Ang huling tali na nagdurugtong pa rin sa amin ni Daniel.

Pagpasok ko, nandoon na siya. At sa unang tingin, halos hindi ko na siya makilala. Payat, nakayuko, nakasuot ng barong na tila mas malaki na sa kanya. Namumuti na ang buhok, at ang dating maamong mukha niya ay may guhit na ng pagod at pagkatalo. Kung hindi ko siya minahal noon, baka inisip kong isa lang siyang estrangherong naligaw sa sarili niyang buhay.

Pag-angat ng mga mata niya, nagtagpo ang mga tingin namin. May bakas ng hiya... at galit. Sa isang tibok ng puso, parang bumalik ako sa mga umagang hinihintay kong tingnan niya ulit ako nang gano'n. Pero naalala ko lahat ng sakit, at nawala ang bigat sa dibdib ko. Lumapit ang abogado ko, mahinang bumulong. "Claire, sandali lang 'to."

Tumango ako. Tahimik na binasa ng hukom ang desisyon.

"Matapos ang pagsusuri ng lahat ng ebidensya at dahilan, pinagtitibay ng hukuman ang petisyon para sa annulment sa pagitan nina Claire Moore at Daniel Moore. Ang dalawang partido ay malaya na mula sa obligasyong mag-asawa."

Yung salitang malaya—mas malakas pa sa tunog ng martilyong bumagsak. Tahimik lang si Daniel. Ni hindi gumalaw. Nakatitig lang sa mesa, parang may hinahanap na hindi na babalik. Pagkatapos ng pagdinig, tumayo ako, kinuha ang mga gamit ko, at tumalikod.

"Claire," tawag niya, mahina.

Huminto ako, pero hindi ako lumingon agad.

"Nanalo ka nga talaga," sabi niya, paos, may pait. "Nakuha mo lahat pabalik, pera, bahay, kumpanya..."

Tumingin ako sa kanya. "At nakuha mo rin ang pinili mo, ang sarili mo."

Nakita kong kumislot ang panga niya. "Wala ka bang pakialam kung anong nangyari sa'kin?"

Huminga ako nang malalim bago tumingin nang diretso.

"I cared and loved you," sagot ko. "'Yun ang pinagkaiba natin."

Sandaling natahimik. Tapos bigla siyang nagsalita, basag ang boses.

"Sinabi nila sa ospital… pagkatapos ng mga test para sa kaso… hindi na raw ako magkakaanak."

Wala akong nasabi. Hindi na kailangan. Yung katahimikan, sapat na.

Napangiti siya ng mapait. "Ilang taon kitang sinisi. Pinaniwala ko lahat ng tao na kasalanan mo kung bakit wala tayong anak…" Tumitig siya sa'kin. "Pero ako pala. Ako pala talaga."

Sa sandaling iyon, nakita kong gumuho ang taong minsang minahal ko. At naisip ko, hindi ko na kailangan ng paghihiganti. Ginawa na ng tadhana para sa'kin.

"Paalam, Daniel," sabi ko. At tuluyan na akong lumakad palayo.

Sa labas, mainit ang araw, pero banayad. Hinihipo ng hangin ang balat ko, parang paalala na tapos na. Naghihintay si Angela sa may hagdan.

"Tapos na," sabi niya, nakangiti. "Malaya ka na."

Ngumiti ako. "Nararamdaman ko na mula pa kanina."

Nagkatawanan kami, yung tawa ng dalawang babaeng nakaligtas sa bagyo.Ilang buwan ang lumipas. Nasa entablado ako ng Grand Hyatt ballroom, nakatayo sa harap ng ilaw at palakpakan. Ang kumpanyang itinayo kong muli mula sa abo ay nanalo bilang Entrepreneur of the Year. Sa likod ko, kumikislap sa screen ang logo ng bagong pundasyong sinimulan ko: "The Phoenix Project" para sa mga babaeng gustong magsimulang muli matapos ang pang-aabuso at pagtataksil.

Habang nagsasalita ako, hindi na nanginginig ang boses ko.

"May mga tao na susubukang wasakin ka," sabi ko. "Pero sila rin ang nagtuturo sa'yo kung paano bumangon. Ang parangal na 'to, hindi para sa tagumpay kundi para sa mga babaeng piniling mabuhay ulit, kahit ang mundo ay sinaktan sila."

Tumunog ang palakpakan. Kumislap ang mga kamera. At doon ko siya nakita, sa dulo ng bulwagan. Si Ethan. Tahimik siyang tao. Hindi maingay, hindi mayabang. Nakilala ko siya anim na buwan matapos ang annulment, isang consultant na may mabait na mata at boses na laging kalma. Yung uri ng presensiyang hindi kailangang magpaliwanag, pero mararamdaman mong ligtas ka.

Pagtagpo ng mga mata namin, ngumiti siya. Yung ngiti na hindi nagmamay-ari kundi nakakaunawa. Lumapit ako, at nang hawakan niya ang kamay ko, parang natural lang. Parang magaan sa pakiramdam.

"Ang galing mo," sabi niya.

"Ang galing din ng mga naniwala sa'kin," sagot ko.

Ngumiti siya. "Kaya hayaan mong maniwala pa rin ako."

Lumipas ang mga linggo, naging buwan. Iba na ang bahay ngayon, puno ng ilaw, halakhak, at amoy ng bagong lutong tinapay. Hindi siya sumiksik sa espasyo ko. Nakisabay siya sa ritmo ng buhay ko.

Isang gabi, magkatabi kaming nakaupo sa veranda, may dalang tig-isang tasa ng tsaa.

"Tahimik ka nitong mga araw," sabi niya.

Ngumiti ako. "Iniisip ko lang kung gaano kalayo na ang narating natin."

Tinitigan niya ako, may kutob sa mga mata. "May gusto ka bang sabihin?"

Huminga ako nang malalim. "Nagpunta ako sa doktor kahapon," sabi ko. "Buntis ako."

Natigilan siya. Sandali, walang salita. Tapos dahan-dahan siyang ngumiti, yung ngiti na puno ng tuwa at paniniwala. Hinawakan niya ako, mahigpit.

"Sigurado ka?" bulong niya.

Tumango ako, namumuo ang luha. "Positibo."

Hinalikan niya ang noo ko. "Ito ang himala natin."

At doon, sa yakap niya, parang huminto saglit ang mundo. Habang nakahiga ako nang gabing 'yon, bigla kong naisip si Daniel. Ang huling tingin niya, yung pagkawasak sa mga mata niya. 

Lahat ng taon na ginugol niyang patunayan na mas matalino, mas malakas, mas karapat-dapat siya, lahat 'yon, nawala. Hindi ko kailangang saktan siya. Ginawa na ng panahon 'yon para sa akin.

Siya, may kapangyarihan noon. Ako, natagpuan ko ang kapayapaan.Siya, naghari sa kasinungalingan. Ako, namuhay sa katotohanan.Siya, may galit. Ako, may pag-ibig at buhay sa loob ko.

Pumikit ako, at pabulong na nanalangin, hindi para sa kanya kundi para sa babaeng ako na ngayon.

Pagkaraan ng ilang buwan, lumabas ang isang artikulo: "From Betrayal to Brilliance: Ang Pagbangon ni Claire Moore." Hindi ko 'to binasa para sa papuri. Tinago ko lang sa isang drawer, paalala na minsan, ang pagkawasak ay simula ng himala.

Isang gabi, nasa nursery ako. Malambot ang ilaw, may mga damit ng sanggol na nakasabit. Hinaplos ko ang tiyan ko, at ngumiti. Sa labas, may kulog na marahang dumadagundong, bagyong dumaraan sa malayo. Pero sa loob, payapa ang lahat. Lumapit si Ethan mula sa likod, niyakap ako.

"Ano'ng iniisip mo?" tanong niya.

"Na dati, akala ko ang katahimikan ay kalungkutan," bulong ko. "Pero ngayon, parang kapayapaan na siya."

Hinalikan niya ang pisngi ko. "Deserve mo lahat ng 'yan."

Ngumiti ako. "Deserve nating dalawa."

At habang marahang bumabagsak ang ulan, napagtanto ko, hindi ko kailangang gumanti. Ang buhay na mismo ang sumulat ng hustisya. Si Daniel, mabubuhay sa katotohanan niya. At ako, sa akin ay puno ng liwanag. Hinaplos ko ang tiyan ko, at sa mismong sandaling 'yon, alam ko, nakabangon na nga ako.

More Chapters