Ficool

Chapter 9 - Part IX

Iba ang katahimikan sa loob ng korte. Hindi ito 'yung tahimik na nakaka-kalma kundi 'yung tahimik na parang may mabigat na nakapatong sa dibdib ng lahat. Walang nagsasalita, pero ramdam mong bawat tao ay naghihintay kung kailan may sasabog.

Nasa upuan ako ng mga nagsasakdal. Malamig at nanginginig ang aking mga kamay. Pinipilit kong kontrolin ang sarili kong hindi man lang gumalaw, pero sa loob ko parang may bagyong nagwawala. Matagal na ang kasong 'to. Matagal ko nang gustong matapos. At ngayon... ito na ang huling araw. Sa kabilang mesa, si Daniel ang dating mukhang hari, ngayon parang multo. Suot pa rin niya ang mamahaling suit, pero kahit gaano pa siya magpanggap, halatang durog na siya. Wala na ang yabang sa mga mata niya. Wala na 'yung lakad ng lalaking sanay manakot. At sa isang iglap, halos maawa ako. Halos.

"Mrs. Moore," bulong ng abogado kong si Angela, habang marahan akong hinahaplos sa braso.

"Kalma lang ha. Hayaan mong magsalita ang ebidensya."

Tumango ako. Hindi ko inalis ang tingin kay Daniel. Ngumiti siya , 'yung pamilyar na ngiti na dati kong kinahuhumalingan. Ngayon, nakakadiri na lang. Naisip ko, paano ko nga ba siya minahal noon? Tumunog ang martilyo ng hukom.

"Order in the court."

Nagsimula ang pagdinig. Isa-isa nilang binuksan ang mga ebidensya: mga forged signatures, mga pekeng kontrata, video footage mula sa gabing lahat nagbago. Sinubukan ng abogado ni Daniel na iikot ang kwento, sinasabing "miscommunication lang daw sa pagitan ng mag-asawa." Pero hindi na napilipit ang katotohanan. Ngayon, matigas na ito tulad ng loob kong pinanday sa bawat luha't gabi ng sakit.

Tinawag ang pangalan ko.

"Mrs. Moore, please take the stand."

Tumayo ako. Ramdam kong nanginginig pa rin ang tuhod ko, pero hindi ko hinayaang makita nila. Tumitig ako sa hukom.

"Sabihin niyo sa korte," tanong ng taga-usig, "sa sarili niyo pong mga salita, paano nagsimula ang lahat?"

Huminga ako nang malalim. "Sa tiwala," sabi ko. "Doon lahat nagsimula. Nagtayo ako ng buhay kasama si Daniel, akala ko pareho kaming may pangarap. Pero habang abala akong bumubuo ng kinabukasan namin, siya pala, tahimik akong winawasak."

Lumunok si Daniel. Pinipigilan ang galit. "At nang malaman ko ang tungkol kay Anna," patuloy ko, "hindi lang pala puso ko ang tinraydor niya. Pati pangalan ko, pera ko, at dangal ko, ginamit niya para sa sarili niyang kasakiman."

Nagkaroon ng bulungan sa korte. Tumayo si Angela, iniabot ang ebidensya.

"Lahat ng transaksiyon ay galing sa account ni Mrs. Moore, pinalabas na siya ang pumirma. Pero ang sulat-kamay ay malinaw na kay Mr. Moore."

Tahimik ang hukom, inaaral ang mga papel. Biglang tumayo ang abogado ni Daniel. "Objection! The defendant was emotionally pressured—"

"Overruled," malamig na sabi ng hukom.

Bumagsak ang balikat ng abogado. At si Daniel tuluyan nang nawalan ng kulay ang mukha. Alam niyang tapos na. At sa tingin niyang 'yon, nakita ko ang unang piraso ng hustisya. Pero hindi ko alam, may mas matinding mangyayari pa.

"Your Honor," sabi ni Angela, "the prosecution calls one final witness — Ms. Anna Reyes."

Parang biglang natigil ang oras. Si Daniel, napatingala. Namutla. Nanginginig ang mga labi. Dahan-dahang pumasok si Anna, may hawak na sanggol. Payat, maputla, pero may lakas sa mata. 'Yung lakas na galing sa taong pinagdaanan na ang lahat. Nagkatinginan kami. Bahagya akong tumango. Tumango rin siya, pero nanginginig ang labi.

"Ms. Reyes," sabi ng taga-usig, "ano ang relasyon mo sa akusado?"

"Dating katulong po ako sa bahay nila," mahinang sagot niya. "Nagkaroon kami ng… relasyon. Akala ko, mahal niya ako. Akala ko iiwan niya ang asawa niya. Pinaniwala niya akong bubuo kami ng pamilya."

Tahimik ang korte. Lahat nakikinig. Lahat naghihintay.

"Alam mo ba," tanong ng taga-usig, "na ang perang ginamit niya ay galing sa asawa niya?"

Umiling siya.

"Noon, hindi ko alam. Pero nang magbanggit na sya ng mga documento, mga papeles, at intensyon nya sa pera at kayamanan, napagtanto ko na hindi maganda ang patutunguhan nito."

Hindi ko alam kung bakit, pero parang lumambot ang dibdib ko. Hindi ako natuwa. Hindi rin ako galit. Mas parang... nalungkot ako sa amin dalawa. Sa kung paano kami pareho niyang ginamit.

"At itong bata," tanong ng taga-usig, "anak ba ito ni Mr. Moore?"

Tahimik. Tumingin si Anna kay Daniel, diretso, walang takot. Pagkatapos, binalingan ang hukom.

"Hindi."

Biglang sumigaw si Daniel, "Sinungaling! Anak ko 'yan!"

Tumunog ang martilyo. "Order in the court!"

Pero hindi natinag si Anna. "Hindi mo anak 'to, Daniel. Gusto mo lang paniwalaan 'yon para makontrol ako. Pero hindi siya sa'yo."

Inabot niya ang isang sobre. Paternity test. Negative.

Lumingon ako kay Daniel. Nanginginig siya, namumula sa galit.

"Peke 'yan! Lahat 'to pinagplanuhan niyo!"

Tumayo si Anna, nanginginig pero matatag ang boses.

"Hindi na namin kailangang planuhin ang pagbagsak mo. Ginawa mo na 'yan mag-isa. Niloko mo ako. Ginamit mo ako. At ngayon, wala ka nang natira."

Umiiyak na ang bata sa mga bisig niya. Si Daniel, naupo. Basag. Walang kalaban-laban. Ang huling alas niya, ang anak na inaakala niyang sagot sa lahat ay siya pa ang naging ebidensya ng pagkawasak niya.

"Mr. Daniel Moore," wika ng hukom, "ikaw ay hinahatulan ng korte na guilty sa kasong pandaraya, pamemeke, at pang-aabuso. Lahat ng natitirang ari-arian ay ililipat kay Mrs. Claire Moore. Ang parusa ay ipatutupad ayon sa batas."

Tahimik akong nakatayo. Wala akong luha. Wala akong ngiti. Bumuntong-hininga lang ako. At sa unang pagkakataon... hindi na masakit huminga. Paglabas ko ng korte, sinalubong ako ng sinag ng araw. Nakakasilaw, pero parang iyon ang pinakagandang liwanag na nakita ko sa matagal na panahon. Lumapit si Anna, tulog ang bata sa kanyang bisig.

"Hindi ko alam kung paano magpapasalamat," sabi niya, mahina. "Pero kailangan kong sabihin ang totoo. Hindi ko na kayang manahimik."

"Ginawa mo ang tama," sabi ko. "Para sa anak mo, para sa sarili mo."

Ngumiti siya. "Siguro pareho tayong nagsimula ulit."

Sandali kaming tahimik. Dalawang babaeng pareho niyang sinira pero pareho ring bumangon.

"Alam mo, ma'am…" mahinang sabi ni Anna. "Akala ko dati, 'yung pagmamahal niya ang magliligtas sa'kin. Pero 'yung sakit na binigay niya, 'yon pala ang nagpalaya."

Ngumiti ako. "At 'yung pagbagsak niya, 'yon ang nagligtas sa'kin."

Ngumiti siya bago umalis. Pag-uwi ko nang gabing 'yon, tahimik ang bahay. Pero hindi na mabigat 'yung katahimikan. Tahimik na… payapa. Nagsalin ako ng alak, naupo sa tapat ng bintana, pinagmamasdan ang mga ilaw sa labas. Doon ko lang tunay na naramdaman lahat ng sakit, lahat ng laban, lahat ng panalo. Hindi ko lang binawi ang pera o pangalan ko. Binawi ko ang sarili kong nawala sa gitna ng lahat.

Tumunog ang cellphone ko. Mensahe ni Angela: "Congrats, Claire. Wala na siya sa buhay mo. Malaya ka na."

Ngumiti ako, nag-reply: "Salamat din sa tulong mo. Di ko ito makakaya kung mag-isa lang ako."Pagkababa ko ng phone, may narinig akong tawa ng mga bata sa labas. Ang mundo, tuloy pa rin. 

At ako… sa wakas, nakahinga na ulit. Siguro, ganun talaga ang "bagong simula." Hindi laging bago dahil minsan, ito lang ang kapayapaan matapos mong harapin ang lahat ng katotohanan na tinakbuhan mo noon. Huminga ako nang malalim. At bumulong sa sarili ko, "Malaya na ako." Saka ko naramdaman ang luha na pumapagilid sa aking mga mata. Luha nang kaligayahan.

More Chapters