It was the sound of a gunshot that woke me up.
Humahangos akong napabalikwas sa sofa na aking tinutulugan nang marinig ko ang pagputok ng baril sa aking panaginip. Damang-dama ko ang takot at naiwang kaba. Damang-dama ko ang malalamig na pawis na nagsisulputan sa aking noo. Damang-dama ko ang napakabilis na pagpintig ng aking puso dala ng takot sa posibilidad na maaring totoo ang lahat.
Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili, "Panaginip lang ang lahat. Panaginip lang ang lahat, Sapphire. Kaya mong kontrolin lahat ng 'yong panaginip." Unti-unti kong pinakakalma ang aking sarili gamit ang mga nasabing salita. Hindi ko nagawang bumangon dahil nanlalata pa rin ang aking katawan sa sobrang takot.
- - - -
Isang napakadilim na kwarto ang aking kinaroroonan. Alam kong malawak ang lugar kaya nagpatuloy ako sa paglalakad upang hanapin ang daan palabas. I failed. Hindi ako makahanap ng pinto dahil wala akong makita. Alam kong panaginip lang ito pero bakit nahihirapan akong kontrolin ang lahat na lagi ko namang nagagawa?
Sa kabila ng kadiliman, pinikit ko ang aking mga mata upang damhin ang lahat. Unti-unting pumasok sa aking isipan na ako ay maaaring nasa isang malaking bodega. Nararamdaman ko ang ihip ng hangin na may dalang lamig. May malamig na hangin nga ba o takot lamang ang aking nadarama? Pinagpatuloy kong damahin ang paligid na palagi kong ginagawa sa tuwing nais kong kontrolin ang aking panaginip. Sa loob pa ng ilang saglit, mas naunawaan ko ang nangyayari. Hindi ako nag-iisa. May lima pa akong kasama.
Sinimulan ko ang paglalakad upang tunguin ang pinakamalapit na tao sa akin. Hindi ko lubos mawari pero sigurado akong nakaupo lamang s'ya sa isang silya. Kagaya ko, alam kong takot ang kanyang nadarama. Pero bakit s'ya nakaupo? Bakit hindi s'ya naghahanap ng daan palabas?
Nang makalapit ako, narinig ko ang pigil n'yang pag-iyak na may halong pagmamakaawa. Lalong nadagdagan ang aking takot at kaba ng malaman ko ang dahilan ng kanyang pagkaka-upo. Naka-gapos ang kanyang mga kamay at paa sa isang silya. Magbibitaw na sana ako ng mga salitang maaring sa kanya'y magpa-kalma pero may kung anong nagsasabi sa akin na kailangan kong manahimik.
Sinimulan kong tanggalin ang pagkakagapos ng kanyang mga paa. Makakapal na lubid ang ginamit at mahigpit ang pagkakatali kaya naman sa bawat akto ng aking pagtanggal ay may dalang hapdi sa aking mga kamay. Nang tuluyan kong mapalaya ang kanyang mga paa, sinimulan ko nang tanggalin ang lubid na nakatali sa kanyang beywang.
"Tama na!" nagulat ako at saglit na napatigil sa aking ginagawa. Kung kanina ay pinipigalan n'yang magsalita at tanging pigil na iyak lamang ang aking naririnig ngayon nama'y nagmamakaawa s'ya. Hindi ko alam kung bakit at kung kanino.
"Tama na! Umalis ka na! Iwan mo na ako! And'yan na sila!" Lalong binilisan ko ang pag-alis sa kanyang pagkakagapos at hindi s'ya pinansin. Unti-unti kong naramdaman ang mabilis na pag-agos ng aking mga luha dala ng takot para sa kaligtasan naming dalawa. Hindi ko alam ang mga nangyayari. Bakit ganito? Panaginip ba ito o katotohanan? Kulang na lamang ay atakihin ako sa puso dahil sa sobrang takot. Ngayon lang ito nangyari sa akin.
Nagkaroon ako ng kaunting pag-asa ng tuluyang makalas ang lubid sa kanyang beywang at pinagpatuloy ko ang pagtanggal ng huling lubid sa kanyang mga kamay. "Tama na, please. Umalis ka na. And'yan na sila," patuloy n'yang pagmamakaawa ngunit hindi ko s'ya pinansin. Nagpatuloy ako nang …
- - - -
Hindi ko pa rin naikakalma ang sarili at nakahiga pa rin ako sa sofa. Tanging ang kumot at unan ko lamang ang aking kasama. Kasabay ng aking pagtayo, duon ko narinig ang isa pang putok ng baril na sinundan ng pagtama ng bala sa isang konkretong bagay. Hindi. Hindi 'to totoo. Tuluyan nang kumawala ang aking mga luha sa totoong mundo. Panaginip lamang ang nangyari kanina. Eto ang realidad. Tiningnan ko ang paligid at nilibot ang aming sala gamit ang aking mga mata. May iba pa ba kaming kasama? May nais bang manakit sa akin at sa aking pamilya?
Tumayo ako ng dahan-dahan habang patuloy pa rin ang pagpatak ng aking mga luha. Naglakad ako papunta sa kwarto naming magkapatid at imbes na umakyat ako sa ikalawang palapag ng aming double-decked bed ay tinabihan ko ang nakababata kong kapatid. Mahigpit ko s'yang niyakap at doon lamang … kasabay ng malakas na tunog ng pag-impit ng kama ay tuluyan akong nagising.
* * * *
