- - - -
Papalapit ang pigura ni Topaz at halatang humahangos ang aking kapatid dahil sa pagtakbo. Kasalukuyan kong suot ang aking baluti na kinabitan ng napakaraming medalya na tanda ng napakarami ko nang naipanalong digmaan. Nakasukbit sa aking likuran ang aking palaso at pana na s'yang aking sandata. Magarbo ang pagkakadisenyo ng aking armor na may palamuti ng asul na dragon at mababakas rin rito ang tindi ng mga laban na aking naipanalo na. Ganoon rin ang kasuotan ng aking kapatid na si Topaz na imbes na asul na dragon ay mayroong dilaw na ibon.
Isa itong panaginip.
"Kararating lang ng mensahero mula sa hukbo nila ama. Kinailangan nilang lisanin ang Central dahil sa biglang pag-atake nila Hen. Duti. Marami sa kanila ang nasawi at malubha ang kalagayan at humihingi sila ng suporta."
Matatalo sila Papa kung magpapatuloy ang walang habas na pag-atake ni Hen. Duti. "Ano pa ang ibang sinabi sa mensahe?"
"Iminumungkahi ni ama'ng ilipat ang ilan nating malalakas na sundalo sa kanyang hukbo. Plano nilang magpagaling ng ilang araw sa gubat ng Manya," tugon ng aking kapatid.
Agad akong nag desisyon para sa ikabubuti ng aming hukbo. "Ako mismo ang pupunta sa Manya at magsasama lamang ako ng ilang sundalo na ipapahiram sa kanilang hukbo. Maiwan ka rito at mamuno."
"Bakit kailangang personal kang pumunta roon?! Ako ang ipadala mo. Kailangan mong manatili dito dahil kailangan ka sa digmaan!" mungkahi ni Topaz na waring naiinis sa aking desisyon.
Mataman kong tiningnan ang aking kapatid. Sa akin ang mundong ito at mas makabubuti kung personal akong magtungo sa lugar na iyon dahil kontrolado ko ang lahat.
Kontrolado mo nga ba? Kaya mo ba? Ipinag sa walang-bahala ko ang aking agam-agam. Sa akin ang mundong ito. Kaya kong kontrolin ang panaginip na ito. Malakas ang aking kutob na makokontrol ko ang mundong ito ayon sa aking kagustuhan kaiba ng aking karanasan sa dalawang panaginip na iyon.
Nagpatuloy sa pagmamakaawa si Topaz ngunit pinal na aking desisyon na magtungo sa Manya. Maaring patibong lamang ito ng mga kalaban at nakaabang na sila para sa isang ambush. Hindi ko pwedeng ilagay sa kapahamakan ang aking kapatid.
"Heneral! Pakiusap makinig ka sa akin! Ako ang ipadala mo!"
Nagpatuloy ako sa paglalakad palabas sa aming maliit na koleseyo at piniling huwag nang pansinin si Topaz.
"Heneral! Pakiusap! Pakiusap!
"Ate!"
Tuluyan nang hindi ko narinig ang kanyang tinig dahil sa aking paglayo.
* * * *
Nang maihanda na ang lahat ng armas at gamot, at naisakay na sa mga kabayo na aming isasama ay sinimulan na namin ang paglalakbay. Nakita ko ang malungkot na pigura ni Topaz habang nakatingin sa amin mula sa tore ng aming kastilyo habang kami ay paalis. Bakas sa kanyang mga mata ang pangamba at pagkainis.
Nang makalayo kami ng ilang kilometro mula aming kastilyo ay saglit muna kaming tumigil upang mag-usap at mag-plano.
"Hindi ba't tama naman ang suhestiyon ng iyong kapatid? Mas maganda kung mananatili ka sa ating base-militar," biglang banggit ni Niko na s'yang magaling gumamit ng espada sa aming grupo. Halatang hindi rin s'ya sang-ayon sa aking desisyon.
"Magaling rin namang makipaglaban ang 'yong kapatid at kaya namin s'yang protektahan kung ayun lang rin naman ang iyong pinangangamba," sabat naman ng magaling naming espiya na si Ken.
Sumagot lamang ako na, "Mas magiging kampante ako kung ako mismo ang makikipagkita sa aming ama."
Tumango lamang ang aming snayper na si Angellie tanda ng pagsang-ayon.
Sila ang tatlo na pinili kong mga magiging lider ng grupo na aming dadalhin. Sa totoong mundo, sila ay aking mga kababata. Lumayo man kami sa isa't-isa, mahalaga pa rin sa akin na naging parte sila ng aking nakaraan.
"Ken, mauna ka na at alamin kung ano ang kalagayan ng hukbo nila ama. Magpadala ka gamit ang mensaherong ibon kung ano ang kalagayan nila." Agad namang sumunod sa akin si Ken at nauna nang umalis.
"Niko, pumili ka ng sampung isasama na tatahakin ang daan pa-kanlurang kapatagan. Angellie, ang grupo mo naman ay tatahakin ang daan pasilangan. Magkikita ang ating mga hukbo sa tagong tahanan ng mga Farrah," bilin ko sa kanilang dalawa.
"Sapat na ba 'yon para maiwasan ang anumang ambush?" tanong ni Angellie.
"Sa tingin ko tama lang ang iyong naisip. May laban mang dumating ay makasisiguro tayong may maiiwan na dadating at tutulong sa iyong ama," agad namang sagot ni Niko.
Tumango lamang ako. Sa akin ang mundong ito. Alam kong magwagi kami sa laban na ito.
"Magkita tayo sa tagpuan pagkalipas ng tatlong araw."
* * * *
Pagkalipas ng ilang oras na paglalakbay ay napagdesisyunan kong kailangan na naming magpahinga. Tinahak ng aming grupo ang matarik at mataas na lugar ng Kaloki. Kilalang lugar ito na madalas tinatahak ng mga gypsy o kaya naman mga negosyante. Sa kabila ng pagiging matarik at pagkakaroon ng maliliit na bulubundukin ay strategic ang lugar para sa ambush dahil sa mga nagtataasan at lakihang bato na napakadaling pagtaguan. Pagkalampas sa mga bulubundukin ng Kaloki ay hindi na ganoon kalayo ang dapat tahakin papunta sa Manya.
May kung anong nagsasabi sa akin na may mga nakaabang na sa amin at handa na silang kami'y atakihin. Nais kong maunahan sila sa pag-atake at mas malupig ang kanilang hukbo bago nila iyon magawa sa amin.
Kung tutuusin ay kung sanay ka sa paglalakbay ay madali lang tahakin ang Kaloki, ang poproblemahin mo lamang ay ang mga pakalat-kalat na hayop, mga kaunting pagguho ng lupa at hindi pantay na daanan. Nadarama kong halos tatlong kilometro na lamang ang aming layo mula sa mga kalaban. Ang maliit na bundok na aming kinaroroonan ay tila hugis biyak na trianggulo na parang binuklat na libro. Kung hindi mag-iingat ang isang manlalakbay ay maaaring masawi ito kung sila man ay madulas o bumagsak sa pag-guho dala rin sa malalaki at matutulis na bato na s'yang nakaabang sa ibaba na aming nalampasan kanina.
Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang paligid. Sa paglalakbay ng aking isip sa aking panaginip, nakita kong halos nasa tatlumpung katao ang nakaabang sa amin. Hinanap ko ang mukha ng nagsisilbing pinuno ng kanilang hukbo at laking gulat ko dahil ito ay si Renz. Nakakatawang panaginip. Nakumpirma kong sila ay aatake sa oras na pagsapit ng dilim.
"Heneral, hindi na po sapat ang ating mga pampasabog. Mauubos ito bago pa man natin marating ang Manya," pangamba ng isa sa aking mga sundalo.
Panaginip ko ito. Sa akin ang mundong ito. Ako ang mananalo.
"Tingnan nating muli ang ating reserba at ipagpatuloy ang paghahanda."
Nang makita na n'yang muli ang bilang ng aming mga pampasabog ay s'ya n'yang pagtataka ngunit hindi na s'ya nagsalita pa at daling nagpatuloy sa pagtulong maglagay ng mga bomba kasama ang iba pa.
Nang tuluyan na ngang dumilim ang paligid ay agad na isinagawa ng aming hukbo ang napag-planuhan kanina. Isa-isang umakyat at luminya ang aking hukbo sa isang parte ng kabilang pahina ng bundok. Sa ibaba ay hindi ganoon kalayo ang kinaroroonan ng mga bombang aming iniwan.
Pumikit akong muli upang damhin ang aming kalaban. Nang masiguro kong sila na ay kikilos, binigay ko na ang senyas sa aking mga archer saka namin isa-isang pinatamaan ang mga bomba.
Gumalaw ang lupa at umalingawngaw ang malakas na tunog ng pagsabog na s'yang nagtago sa lahat ng sigaw, pag-iyak, at pagmamakaawa ng aming mga kalaban. Kasabay ng pagguho at pag-agos ng lupa na tila tubig ay ang aming tagumpay.
Panaginip ko ito. Sa akin ang mundong ito. Ako ang mananalo.
- - - -
