Ficool

Chapter 28 - Liwanag na siyang nagpapadalim sa aking isipan

Oh, kay dilim ng kalangitan.

Ang kasiyahan sa puso'y inaakalang totoo't hindi na lilisan;

Sa isip inaakala'y puro ang sa isa't isa'y pagitan;

Sa puso'y pinipintig ang totoong kasiyahan sapag-aakalang ang mga hikbi ng damdamin ay tuluyan ng napatahan.

Oo, ikaw!

Ikaw ang ilaw sa pagmulat ng aking mga mata;

Ikaw ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y tanaw na tanaw ko ang kagandahan ng umaga,

Masaya ang aking puso ng sa mundo'y natukoy at nakilala ka,

Ang pag-ibig at respeto na nangagaling sa aking puso't isipan ay palaging tunay na mabisa.

Subalit, bakit ?

Bakit tila ba presenya ko sa iyong damdamin ay nakapupuot?

Oh, liwanag na siyang nagpapadilim ng aking isipan;

Patawad, ngunit hindi ko lubos maintindihan.

Subalit, sa iyo'y maitanong ko lang, "Ako ba sa iyong mga kamay ay isa lamang kamalian?"

Oh, Liwanag na siyang dulot ng kasiyahan;

Ngunit siya ring nanghihila tungo sa kadiliman.

Oh! Liwanag, liwanag nasaan ba ang iyong lagusan?

Liwanag na siyang sa dilim ay nagpapagambala sa puso't isipan; mabisa ba na piliing bigkasin ang masakit na katotohanan o puputulin nalang ba ang mapaklang ugnayan ?

Hindi! Hindi ko alam.

Ako'y nalilito, pinalilito mo ang isipang puno ng mapapait na alaala;

Pinapatigas mo ang pusong maraming beses ng pinako.

Oo totoo, hindi tayo perpekto may mga salita akong nabitawan na siyang dahilan ng pagmamaktol at ikinadudurog ng iyong puso,

Nagkamali ka't nagkamali ako.

Mga matatalim na salita'y bala ng ating emosyong hindi mapigilan;

Kaya't sa huli ito'y aking pinagsisisihan;

Na sana'y ang sugat ininda't sa luha'y ipinawi na lamang.

Ngunit ako ay tao rin lamang na meron karapatang namnamin ang tunay nararamdaman.

Oo, maling-mali ako at sana'y hindi na lamang ako kumibo ng sa ganoon ay hindi ko nasugatan ang iyong puso.

Subalit, paano ba linlangin ang sariling nararamdaman?

Maling-mali ba ako dahil ipinaglaban ko ang katotohanan na aking nakikita at nararamdaman?

Respeto ba laban sa nararamdaman ?

Bakit mawawala na ba ang respeto kapag ika'y nagdaramdam lamang ?

Siguro'y hindi lang tayo nagka-unawaan.

Subalit, ano ba ang puno't dulo ng ating hindi pagka-unawaan ?

Hindi ko alam, hindi ko alam.

Oh, liwanag isipan ko'y iyong paliwanagan; sa dilim ba'y nakatago ang tunay na nararamdaman o wala talagang katiting na baga ng pagmamahal kaya't sa daan ay hindi ko lubos matuko'y ang liwanag tungo sa iyong lagusan ?

More Chapters