Ficool

Chapter 1 - Prologue

Maingay at halos sumasabog ang mga tawanan, iyakan, at walang katapusang "picture tayo!" sa bawat sulok ng covered court.

Lahat masaya. Lahat excited. Lahat nagpa-plano ng lakad after ng ceremony.

Ngunit nanatili siyang tahimik at mag-isa habang hawak ang isang maliit na papel na tila ba mabubura agad pag nadapuan ng luha.

Galing lang 'yon sa isang ordinaryong notebook, walang design, walang effort. Pero ang laman nito? Bigat. Lungkot. Pagsisisi. At matagal nang tinagong pag-amin.

'Di na sana niya balak ipabasa. Pero 'di rin niya kayang itago habang tuluyan na siyang lalayo.

Kaya habang abala ang lahat sa pagpapakuha ng class pictures at paglalagay ng toga sa hangers nila, palihim niyang isinuksok ang sulat sa pagitan ng yearbook ni Jacob na naiwan lang sa isang mesa.

Wala siyang balak na hintayin ang sagot neto. Hindi na rin niya inaasahan. Gusto lang niyang mailabas. Para kahit papaano, magaan na sa puso.

"Closure", sabi nga ng iba.

Pero ilang oras matapos ang graduation, habang nakaupo siya sa kama sa silid niyang puno ng mga uniporme at lumang papel, tumunog ang phone niya. Isang notification. Isang pangalan.

[1 New Message]

From: Jacob

Hindi siya agad tumugon. Hawak lang niya ang phone habang pilit niyang iniintindi kung totoo ba ang nakikita niya.

Ilang segundo siyang natulala, bago marahang tumayo at lumabas ng kwarto.

Tahimik ang gabi. Walang ingay kundi ang huni ng kuliglig at ang banayad na ihip ng hangin sa labas ng bahay nila. Umupo siya sa bench sa tapat ng maliit nilang garden, at tumingala.

Ang buwan na bilog na bilog. Maliwanag. Parang sinadyang magpakita ng buo sa isang gabi na punong-puno ng hindi buo. Ang buwan na nagsilbing sumbungan nila tuwing nagkakaroon sila ng hindi pagkakaunawaan noon o kahit sa mga panahon na masayang masaya pa sila.

Sa ilalim ng liwanag ng buwan, binuksan niya ang mensahe.

"Nath... nabasa ko 'yung sulat.

Alam mo ba, gusto ko pa ring bumalik. At aaminin ko, gusto pa rin kita."

Napatigil siya. Para bang huminto ang lahat ng tunog sa paligid. Parang biglang natahimik ang mundo, at ang tanging naririnig niya ay ang tibok ng puso niyang unti-unting bumibilis.

"Pero hindi ko na kayang ipilit, hindi na puwede. May gusto rin sa'yo si Kyle. Tropang-tropa ko 'yun. Ayokong maging dahilan ng gulo."

Napakagat siya sa labi. 'Yung simpleng mensahe, mas masakit pa sa sampung suntok. Mas mahirap lunukin kaysa kahit anong rejection. Dahil hindi ito simpleng ayaw—ito yung gustong gusto, pero hindi pwede.

"Pero kahit anong pilit kong kalimutan ka, hindi ko magawa. Sorry kung ako 'yung unang bumitaw. Sorry kung hindi kita nagawang ipaglaban, sorry ko mas pinili kong lumayo. Pero hindi ako tumigil magmahal. Sana piliin mong maging masaya palagi."

At doon na siya tuluyang napaiyak.

Tahimik lang siya habang patuloy ang pagtulo ng luha sa pisngi niya. Walang hikbi, walang ingay. Pero masakit. Kasi kahit papaano, umaasa siyang may pag-asa. Na kahit imposible, baka sakali.

Tumitig siya sa buwan na parang hinahanap doon ang sagot na hindi niya mahanap sa sarili niya.

"Kung ganun... bakit hindi mo agad sinabi noon?" bulong niya sa hangin, sa buwan, o baka sa sarili niya.

At sa gabing 'yon, sa ilalim ng malamig na buwan, tinanggap niya na minsan, kahit pareho pa kayong may nararamdaman... hindi talaga sapat.

More Chapters