Ficool

Chapter 119 - chapter 60 (TAGALOG)

Kabanata 60: Ang Puso ng Pagkadismaya

Tahimik ang naging umaga sa bayan ng Cavite habang natutulog ay bigla akong napaupo sa aking kama at nagising mula sa nakakatakot na panaginip. Mga alaala ng mga trahedya at mga iyak ng napakaraming taong humihingi saakin ng tulong upang mabuhay pa ng matagal.

Pawis na pawis ang katawan ko at patuloy na nalilito ang isip, agad kong ipinikit muli ang mata ko para pakalmahin ang isip ko. Napakaraming beses na akong binabangungot pero nitong mga nakaraan buwan ay napapadalas na nagpapakita na hindi na maganda ang lagay ng mental health ko.

ang mga pangyayaring trahedya sa buhay ko ay parang anino na nakabuntot parin sa akin isipan. pansamantala akong nanunuluyan sa condo unit na pagmamay ari ko dito sa cavite para masubabayan ang katipunan. Hanggang ngayon hindi ko parin maalis sa isip ang labanang naganap sa madilim na highway kagabi.

Matagumpay naming napigilan ang Katipunan sa kanilang balak na manggulo sa Kawit, at nahuli rin ang ilan sa mga rebelde. Subalit, sa kabila ng tagumpay na ito, may isang bagay na patuloy na gumugulo sa akin , ang babaeng si Indang, ang makapangyarihang sugo ng Kawit.

Habang nakaupo ako sa gilid ng kama, pinagmamasdan ang sinag ng araw na sumisilip sa bintana. Sinasariwa ko ang mga alaala ng labanan na malinaw pa rin sa isip ko—ang mga sigaw ng mga bata sa katawan ng Ursarion, ang halimaw na anyo ni martin, at ang nakakasindak na presensya ni Indang.

Lahat pangyayaring iyon ay tumatatak sa isip ko na parang isang bangungot. Hindi ko alam kung epekto ito ng trauma ko sa mga nangyayari pero alam ko nagdudulot ito ng mental stress saakin na dahilan kung bakit pati sa panaginip ay naiisip ko parin ang mga problema ko sa katipunan, sa mga kastila at sa pilipino na nangangailangan ng tulong.

Hindi ko maiwasan din sumagi sa isip ko si Indang dahil totoong napakalakas niya, tulad ng sinabi ni Laguna, ngunit hindi ko inaasahan na magiging ganito kasalimuot ang pakikitungo nya saakin.

Sinubukan ko siyang kumbinsihin kagabi, ngunit nauwi lamang sa hindi pagkakaunawaan ang aming usapan. Ang bugso ng damdamin ko ay nagdulot ng tensyon, at ngayon, nararamdaman ko ang bigat ng aking kabiguan.

Hindi ko maiwasang magtanong sa sarili ko kung bakit hinayaan ni Indang na makatakas si Martin? Alam ko na may sapat siyang lakas upang tapusin ang laban.

Nakita ko ang kanyang kakayahan kung saan magagawa nyang makapaglagay ng mga magic spell, buff at debuff na kayang pahintuin ang sinuman sa kanilang kinatatayuan.

Maaari niyang mapatay si Martin, ngunit hinayaan niya itong makapasok sa portal at makatakas. Ang pagkakataong mahuli ang taong responsable sa pagkamatay ng limang daang tao ay nasayang, at ang galit sa aking dibdib ay parang apoy na hindi kailan man mapatay.

Gusto ko siyang tanungin, kwestyunin, ngunit ang mga sinabi niya kagabi ay patuloy na nagbibigay bigat sa isip ko.

"Wala akong kinalaman sa alitan ng gobyerno at ng Katipunan," aniya, ang kanyang boses ay puno ng lamig. "Nilabanan ko si Martin dahil gusto kong gawin at hindi talaga para ipaghiganti ang mga namatay na pilipino."

Ang mga salitang iyon ay parang sampal sa akin. Paano niya nasabing wala siyang pakialam sa buhay ng mga inosente?

Paano niya kayang balewalain ang mga taong naghihintay ng hustisya? Ngunit sa kabila ng galit, pinilit ko ang sarili kong kumalma. Alam ko na hindi ko siya mapipilit kung galit ang nagtutulak sa akin.

Sa aking pagnanais na maunawaan siya, sinubukan ko siyang kausapin kagabi. "Indang," sabi ko, ang aking boses ay puno ng pagmamakaawa.

"Kahit hindi ka sumali sa amin bilang sundalo, maaari mo ba akong tulungan na labanan si Martin? Hindi ito tungkol sa katapatan ko sa mga Kastila, kundi tungkol sa mga inosenteng tao na nadadamay sa kaguluhang dulot ng Katipunan."

Ipinaliwanag ko na ang mga teroristang grupo tulad ng Katipunan ang nagpapahirap sa mga tao, kaya ipinaintindi ko na ang kapayapaan na gusto ng lahat ay lalong nagiging imposible dahil sa kanilang mga aksyon.

Ngunit ang sagot niya ay lalong nagpabigat lamang sa aking puso. "Hindi mo kailangang magpaliwanag, heneral," aniya, ang kanyang tono ay puno ng pagkabagot. Tila ba hindi nya sineseryoso ang mga sinasabi ko.

"Alam ko ang mga bagay na iyan. Sinabi na rin sa akin ng aking Master ang tungkol sa mga ito. Ang totoo mas marami pa akong nalalaman kaysa sa'yo." Dagdag pa niya, "Totoo na masama ang ginagawa ni Martin, pero para sa akin, wala na akong kinalaman sa mga problemang dinudulot niya sa sinoman. " Ang kanyang mga salita ay parang punyal na tumusok sa dibdib ko. Tinanong ko siya na may matapang na tono,

"Kaya mo bang hayaang mamatay ang mga inosente kahit na may kakayahan kang iligtas sila?" Ngunit sa halip na sagutin ako nang diretso, pinagtawanan niya ako, at ang kanyang tawa ay puno ng pangungutya tungkol saakin pagkatao.

" sobrang nakakatawa ang ginagawa mong pagmamalasakit sa mga tao, sabi niya. "Pumapayag kang maging tuta ng mga Kastila, na siyang dahilan ng kaguluhan sa bansang ito. Ang mga Pilipino ay nagrerebelde dahil sa pang-aabuso ng mga Kastila. Walang may gusto ng kaguluhan at alam kong alam mo kung bakit nagkakaroon ng kagustuhan na gumanti ang mga Pilipino."

" Ang espanya,simbahan at lahat ng kastila. Kinasusuklaman ko sila, at kasama na diyan ang mga katulad mo na ipinagpalit ang sariling kababayan para sa karangyaan."

Ang kanyang mga salita ay puno ng galit, at kahit na gusto kong ipaliwanag na hindi ko ginagawa ito para sa mga Kastila, binale-wala niya ang aking mga salita.

"Kung naniniwala kang para sa ikabubuti ng mga Pilipino ang pagpigil sa mga rebelde, ipagpatuloy mo lang, hindi kita huhusgahan sa gusto mo," aniya. "Pero wala akong pakialam sa mga kagustuhan ng iba o sa buhay ng mga walang kinalaman sa akin. "

" Walang tumulong sa akin noong ako ang nangangailangan. Walang Kastila o Pilipinong lumaban para iligtas ako mula sa kamatayan."

Bigla nya akong nilapitan at hinila ang aking kwelyo para ilapit sa kanya. Galit na galit nya lang akong tinitigan na tila ba may gustong sabihin.

Ilang saglit pa ay pinilit nyang huminahon at itinulak ako palayo.

"Walang mangyayari kung mag uusap pa tayo. Ayoko ng lumaki pa ang gulo sa pagitan ko at ng mga kagaya mo."

Muli syang tumalikod at naglakad palayo saakin. Gusto ko siyang pilitin, paliwanagan pa, ngunit bago pa ako makapagsalita, agad na akong pinigilan ni Heneral Apyong at naki usap saakin na tumigil na.

"Romeo, walang saysay ang ginagawa mo," sabi niya, ang kanyang boses ay puno ng awtoridad ngunit may bahid ng pag-aalala. "Alam ko kung gaano kahalaga saatin ang mahuli si Martin, pero hindi mo makukumbinsi si Indang sa ganitong paraan." Ang mga salita ni Apyong ay parang malamig na tubig na nagpatahimik sa aking nag-aalab na damdamin. Puno ng pagkadismaya at kabiguan, wala akong nagawa kundi tumango at hayaang umalis si Indang.

Walang pag-aalinlangan, tumalon siya nang napakataas para makaalis at mawala sa aming paningin na parang isang bula. Habang pinapanood ko siyang umalis, halo-halo ang aking nararamdaman—galit, pagkadismaya, at isang desperasyong hindi ko maipaliwanag.

Alam ko na kaya kong makipagsabayan kay Martin, ngunit hindi ko siya kayang talunin kung patuloy siyang gagamit ng mga inosenteng tao bilang kalasag. Kailangan ko ng tulong, at si Indang lang ang makakatulong saakin sa laban na ito.

Ayokong mabigo dahil maraming umaasa saakin pero kaya ko pa bang harapin ang mga bagay na ito? Hindi ko alam.... Talagang hindi ko na alam.

Ngayong umaga, nagpasya akong puntahan si Heneral Apyong sa kanyang opisina. Siya ang isa sa iilang pinagkakatiwalaan ko pagdating sa mga ganitong usapin. Tulad ko, pinili rin niyang maging honorary Spaniard upang makatulong sa mga Pilipino, at alam ko na may malasakit siya sa bayan.

Ang kanyang opisina ay ilang minuto lamang mula sa condo ko sa Kawit, kaya't mabilis akong nakarating. Pagpasok ko, sinalubong ako ng kanyang mga tauhan at agad na dinala sa kanyang opisina.

Nakaupo si apyong sa kanyang wheelchair, abala sa pagpirma ng mga dokumento. Nang makita niya ako, isang mainit na ngiti ang ibinigay niya.

"Magandang umaga, heneral Romeo!" bati niya. "Hindi ko inasahan na agad kang darating pagkatapos mong sabihin na gusto mong makipagkita saakin, akala ko umalis na kayo ng cavite kagabi. "

"Hindi ako pwedeng umalis dito hanggat hindi ko nagagawa ang plano ko, Heneral," sagot ko, ang aking tono ay seryoso.."Nakatakas na naman si Martin, at alam ko na patuloy siyang magpaplano ng masama. Hindi ko pwedeng hayaang mangyari ulit ito."

Tumango si Apyong, ang kanyang mga mata ay puno ng pag-unawa. "Aasikasuhin ko agad ang tungkol sa kuta ng Katipunan," aniya. "Aalamin natin kung saan nanggaling ang mga sandata nila at kung kaninong lupain sila nag-ooperate."

Sumang-ayon ako, ngunit idinagdag ko, "Mananatili ako rito sa Cavite hangga't hindi ko natitiyak na tuluyang umalis si Martin sa lugar na ito. Hindi natin alam kung kailan siya muling susugod."

Pagkatapos ng ilang saglit na katahimikan, hindi ko na napigilan ang sarili ko at diretsong humingi ng pabor. "Heneral, maaari mo ba akong tulungan na mahanap si Indang?"

. Ang ekspresyon ni Apyong ay nagbago—napabuntong-hininga siya at napapikit na tila hindi natutuwa sa mga nasabi ko. Bago pa siya makasagot, ipinaliwanag ko agad, "Nakausap ko si Laguna, at sinabi niya na maaaring makatulong si Indang laban kay Martin. Alam ko na mahirap siyang kumbinsihin, pero kailangan natin siya."

Hindi ko inaasahan ang sagot ni Apyong saakin. "Nauunawaan ko ang sinasabi mo, Romeo," aniya, ang kanyang boses ay kalmado ngunit puno ng timbang. "Sumasang-ayon ako na malaki ang maitutulong ni Indang. Bata pa siya, pero ang kanyang kaalaman sa paggamit ng kapangyarihan ng sugo ay higit pa sa atin."

Nagpatuloy siya, "Maraming beses ko na siyang nakitang lumaban. May mga pagkakataon pa nga na nakalaban ko siya. Alam mo ba, si Indang ay palaging problema ng mga pulis dito sa Kawit? Minsan, sinubukan na rin siya ng mayor ng kawit na hulihin dahil sa kanyang mga aksyon."

Natatawa siya habang kinukuwento na, "Pero imbis na matakot, si Indang mismo ang pumupunta sa city hall para ipaalala sa mayor ang kanyang 'katungkulan.' Walang siyang ginawang masama doon, pero malinaw na hinahamon niya ang gobyerno. Kaya ako na ang kumilos para ipahuli siya sa mga sundalo." Patuloy niya,

"Isang araw, si Indang mismo ang pumunta sa base militar para harapin ako. Nakipaglaban siya, at doon ko napatunayan ang kanyang lakas. Dalawang daang sundalo ang pinatulog niya nang walang kahirap-hirap. Ang kanyang kakayahang magbigay ng buff at debuff ay hindi kayang pigilan ng mga ordinaryong tao."

Binunyag niya ang mga detalye ng kapangyarihan ni Indang. "Kaya niyang maglagay ng limang magkakasunod na debuff sa kalaban at tatlong buff sa kanyang sarili.

Nalaman ko na may limitasyon ito, tatlong minuto ang kailangan bago niya ulit magamit ang kanyang kakayahan sa parehong target. At higit sa lahat, ang mga bagay lamang na nakikita niya ang kaya niyang gamitan ng mahika." Dagdag pa ni Apyong,

"Kung nais mong talunin si Indang, kailangan mong iwasan na makita ka niya. Pero kahit alam mo ang kahinaan niya, ang tunay na magiging problema mo ay ang kanyang istilo ng pakikipaglaban. Mabilis siya, matalino, at parang alam na niya ang susunod mong gagawin. Agad niyang napapansin ang kahinaan ng kanyang kalaban."

Binalaan niya ako dahil isang henyo si indang sa laban at maaaring maglaban lang kami kung susubukan kong ipilit ang gusto ko. , "Kung ako sa'yo, iwasan mo na lang siya dahil hindi natin sya makakayang labanan. Ang totoo hindi naman talaga siya banta sa Cavite. Ang totoo pumunta siya noon sa kampo ko para makipag-kasundo at hindi para makipaglaban. Sinabi niya sa akin na tigilan ko ang paghuli sa kanya at huwag pakialaman ang ginagawa niya.

Nangako rin siya noon na hindi siya lalaban sa gobyerno, lalo na't sinabihan siya ni Laguna na huwag makialam sa alitan ng mga rebelde at Kastila." Nagpatuloy siya, "Hindi siya interesado sa pagsali sa mga rebelde, pero hindi rin niya inaalis sa isip ang posibilidad na magsimula ng sariling himagsikan. Sinabi niya na nakadepende sa sitwasyon sa Cavite ang mga desisyon niya.

Pinagbantaan niya rin ako—kung ayaw natin ng sakit ng ulo, huwag natin siyang bigyan ng problema. Kung hahayaan natin siyang mamuhay nang payapa, mananatili siyang tahimik."

Napabuntong-hininga si Apyong at tinitigan ako. "Hayaan mo na si Indang, Romeo," aniya. "Hindi siya makikipagtulungan sa mga katulad natin. Isa rin siyang biktima ng malupit na sistema sa bansang ito."

Ang mga salita niya ay parang dagok sa akin. Alam ko na tama siya, ngunit ang pagkadismaya ko ay hindi nawala sa isip ko.

Matapos ang ilang minutong katahimikan, nagpaalam na ako at umalis sa kanyang opisina, dala-dala ang bigat ng aking damdamin. .

Pagbalik ko sa Kawit, nagpatuloy ang aking mga sundalo sa paghahanap ng mga bakas ng Katipunan. Matapos asikasuhin ang mga plano at ibigay ang mga gawain sa bawat miyembro ng team, nagpasya akong magtanghalian sa labas.

Inutusan ko ang aking driver na ihatid ako patungo sa isang mall, ngunit naipit kami sa trapiko. Alam ko na magtatagal ito, kaya't nagpasya akong bumaba at humanap ng makakainan.

"Ibaba mo na ako dito," sabi ko sa driver. "Bumalik ka na lang sa opisina at hintayin mo ako doon."

Hindi naman ako mapili pagdating sa pagkain dahil madalas delata pagkain lamang ang kinakain namin sa kampo o sa mga misyon.

Habang naglalakad, napansin ko ang isang karinderya sa kanto. Simple lang ito, common na kainan ng mga Pilipino, at nakita ko rin na iilan lamang ang mga tao sa loob kaya naman agad akong lumapit.

Pumasok ako sa loob para humanap ng upuan, at nagpunta sa counter upang mamili ng ulam. Ngunit nang makita ko ang tindera sa harap ko, halos napatigil ako. Hindi ako makapaniwala sa nakikita kong tao sa harapan ko—ang babaeng nakasama ko sa convention kahapon ay nagtitinda sa lugar na iyon.

Sa gulat namin ay sabay kaming nagsalita,

"Ikaw?"

Mababakas sa mata nya ang mapagkabigla at may bahid ng pagkailang. "Bakit ka nandito?" tanong niya, ang kanyang boses ay tensyunado.

"Para kumain, obviously," sagot ko, sinusubukang panatilihin ang kalmado kong tono.

Napansin ko ang kanyang discomfort, kaya't umorder na lang ako ng pagkain at sinabi sa kanya na dalhin ito sa aking upuan. Ilang minuto ang lumipas, dinalhan niya ako ng pagkain.

Ngunit kahit inilapag niya ito, halata ang kanya na ayaw nya akong titigan na tila naiilang.

"Sinusundan mo ba ako?" tanong niya, ang kanyang tono ay puno ng pagdududa.

"Tch, bakit ko naman susundan ang katulad mo?" sagot ko, na may pabirong tono. "Nagkataon lang na natrapik ako, kaya bumaba ako para magtanghalian."

Hindi siya kumbinsido, at ang kanyang mukha ay puno ng pag-aalinlangan. "Imposibleng nagkataon lang na nagkita tayo. "

Napangiti ako habang iniisip ang napakapambihirang pangyayaring iyon at sinabi, "Tama, ang liit talaga ng mundo, no? Parang pinagtagpo tayo ng tadhana." pabiro kong sambit.

"Hindi ka ba kinikilabutan sa sinasabi mo?" sagot niya, ang kanyang tono ay masungit.

Kahit na magaspang ang kanyang ugali, hindi ko maiwasang mapangiti siguro dahil namamangha parin ako sa nangyayari.

Inaya ko siyang umupo at samahan ako, dahil wala naman masyadong kumakain sa oras na iyon. Ngunit tumanggi siya at sinabing pagagalitan siya ng may-ari kung makita syang walang ginagawa.

Hindi ko alam kung bakit nanghihinayang ako ng marinig ko ang sagot niya, pero siguro dahil tapos na ang trabaho ko para sa araw na iyon, gusto ko lang maglibang.

"Anong oras ang out mo dito?" tanong ko, sinusubukang panatilihin ang magaan na usapan.

Muli niya akong sinungitan. "Bakit mo tinatanong?" aniya, ang kanyang mga mata ay puno ng pagdududa. Ipinaliwanag ko sa kanya na natapos na ang trabaho ko para sa araw na iyon, at dahil alam ko na isa rin syang gamer kaya inaya ko siyang maglaro sa mall.

"Wala naman akong ibang plano ngayong araw, at alam ko na mahilig ka rin maglaro tulad ko," sabi ko, sinusubukang maging magiliw.

Ngunit tumanggi siya. "Hindi pwede," aniya. "Hindi kita kilala, kaya bakit naman ako sasama sa'yo?"

Naramdaman ko ang kanyang pagkailang, kaya tinanong ko kung bakit ayaw nya akong samahan, "Wala naman akong ginawang masama sa'yo, pero bakit ba parang iniiwasan mo ako? Ang totoo, gusto ko lang may kasama sa paglalaro. Wag kang mag-alala, ililibre kita."

Napabuntong-hininga siya at umupo sa upuan sa harap ko. "Hindi mo ba napapansin ang lugar na ito?" tanong niya, ang kanyang boses ay puno ng pagkabahala.

Tumingin ako sa paligid, at doon ko napansin na halos lahat ng tao sa karinderya ay nakatingin sa akin. Hindi ko maunawaan kung bakit.

"Ano bang problema?" tanong ko, bahagyang nalilito "Wala naman akong ginagawang masama."

"Alam mo kasi," sabi niya, "walang kumakain na hilaw, este.. honorary Spaniard dito. Puro Pilipino lang ang mga nandito. Para sa kanila, isa kang traidor at isang mapang-abuso."

Ang kanyang mga salita ay tumama sa akin nang malakas. "Malinis ang konsensya ko," sagot ko, sinusubukang panatilihin ang aking kalmado.

"Wala akong ginagawang masama sa mga Pilipino, kaya hindi ako dapat tratuhin nang ganoon."

Ipinaliwanag naman nya na hindi ito tungkol sa kung ano ang ginawa ko, kundi dahil sa paningin ng mga tao, ang mga honorary Spaniard ay mga traydor na nagpapakasasa sa kapangyarihan ng mga Kastila.

Habang kumakain ako, napagtanto ko na baka may dahilan kung bakit ayaw ng mga tao doon ng mga katulad kong honorary Spaniard kaya naman tinanong ko siya,

"Ano ba ang ginagawa ng mga honorary Spaniard sa mga Pilipino dito sa lugar nyo? Pwede mo bang sabihin sa akin?"

Napabuntong-hininga siya ng marinig ito saakin. "Kahit malaman mo, wala rin namang magbabago," aniya, ang kanyang tono ay puno ng pait.

"Hindi totoo 'yan," sagot ko. "Isa rin akong honorary Spaniard, kaya kung may ginagawa silang mali, maaari akong magsumbong laban sa kanila. Alam mo naman na nagtatrabaho ako sa gobyerno, kaya siguro naman ay may maitutulong ako."

Ngunit sa halip na sumagot, lalo siyang nangamba. "Mas lalo kong gustong umiwas sa'yo ngayon," sabi niya. "Kung may masasabi akong masama laban sa mga Kastila, baka mapahamak pa ako."

Napabuntong-hininga ako, ngunit hindi ako sumuko. "Kung masama akong tao, hindi ko na kailangang maghanap ng dahilan para ipahamak ka," sabi ko. "Alam ko ang nangyayari sa bansang ito, at gusto ko rin itong baguhin. Pero kailangan natin magtulungan para mangyari 'yon."

Napailing sya at bakas ang pag aalinlangan. Hindi ko naman masisisi kung ayaw nya magsumbong dahil natatakot sya na pag initan at hindi nya rin naman ako kilala para ipagkatiwala ang buhay nya.

Dagdag ko pa, "Kung natatakot ka na mapahamak at ayaw mong magsumbong saakin ay hindi mo kailangang magsalita. Maikli lang ang libreng oras ko, kaya pumayag ka na. Sumama ka na sa akin."

"Ang kulit mo rin, no?" sagot niya,habang nag susungit. "Hindi pwede. Nagtatrabaho ako dito, at ayaw kong matanggal."

Nagalit siya saakin at sinabihan na huwag ko siyang kausapin na parang magkakilala kami.

"Ayaw kong isipin ng mga tao dito na nagtatrabaho ako para sa'yo bilang tuta ng Kastila," aniya, ang kanyang mga mata ay nagliliyab.

"Parang kahapon lang ay hindi ka ganyan makitungo saakin. "Tanong ko.

"Tatapatin na kita, gusto kong maunawaan mo na hindi ako komportable na maki pag usap sa katulad mong Hilaw. Kinausap kita kahapon bilang kapwa gamer pero hindi naman tayo naglalaro ngayon." Masungit na sagot nito

Naunawaan ko ang kanyang punto, kaya naisip ko na kunin na lang ang kanyang numero. "Kung ayaw mo sumama ngayon, bigay mo na lang ang numero mo para matawagan kita kapag libre ka," sabi ko.

Nagulat siya at halos mapadabog sa meaa. "Hindi ako sira-ulo para ibigay ang numero ko!" aniya. "At wala akong oras maglaro. Tuwing gabi lang ako libre pagkatapos ng trabaho. Hindi ako mayaman tulad mo—kailangan kong kumita para mabuhay."

Napangiti ako sa kanyang sagot at sinabi, "Magkano ba ang sahod mo sa isang araw? Babayaran ko ang oras mo para samahan mo ako bukas."

Ang kanyang ekspresyon ay mabilis na nagbago, at lalo syang nagalit ang galit sa akin. "Hindi ko gusto ang tono ng pagsasalita mo," aniya. "Parang iniisip mo na mukha akong pera. Hindi ako bayarang babae."

Hindi ko maunawaan ang kanyang punto, kaya ipinaliwanag ko, "Hindi kita babayaran para sa ibang bagay. Ang gusto ko lang ay samahan mo ako maglaro sa mall. Wala akong nakikitang masama sa pagbabayad ko ng sahod mo para bukas."

Ngunit hindi niya tinanggap ang paliwanag ko. "Nakikipag laro ako sa kapwa ko gamer para mag-enjoy, hindi para bayaran nila," sabi niya.

"Kung makikipaglaro ako, hindi ko kailangan magpabayad para gawin 'yon." sagot nya.

"Kung ayaw mong bayaran kita, sumama ka na lang sa akin bukas," sagot ko, sinusubukang panatilihin ang magaan na tono.

Napadabog siya sa mesa. "Hindi nga ako sasama lalo na sa isang kahinahinalang tao!" aniya. "Kung ipipilit mo pa ang gusto mo ay iisipin ko na may masama kang balak saakin!"

Nanghihinayang ako sa kanyang sagot, ngunit alam ko na hindi ko siya pwedeng pilitin. "Ayoko rin naman isipin mo na katulad ako ng iba na basta na lang ginagawa ang gusto," sabi ko.

Habang kumakain, bigla kong naalala ang VIP card na ipinahiram ko sa kanya noong convention. "maalala ko nga pala, nasaan na 'yung VIP card ko?" tanong ko.

"Huh? 'Yung VIP card?" sagot niya, halatang kinabahan.

"Um…"

Hindi ko alam kung bakit siya biglang nataranta. Pagkatapos ng ilang saglit, napabuntong-hininga siya at inamin, "Naiwala ko 'yon nung umuwi ako. Hinintay kita sa mall para isoli, pero hindi ka naman na bumalik."

Sandaling nanahimik ang lugar ng hindi kami magsalita at ilang saglit pa ay nagpangiti ako na tila may iniisip na interesanteng bagay.

"Kaya pala kanina ka pa tensyunado," sabi ko, bahagyang nang-aasar. "Wala ka talagang balak isuli 'yon, no? Malas mo lang, pinagtagpo tayo ng tadhana dito."

Napadabog siya ulit sa mesa habang itinanggi ang paratang ko. "Gusto ko talagang isoli sa'yo ang VIP card mo, pero naiwala ko nga 'yon sa bus!" aniya, halos magtaas ng boses. "At ikaw rin naman ang may kasalanan dahil hindi ka na bumalik kahapon!"

Hindi naman talaga malaking bagay sa akin ang VIP card, pero naisip ko na maaari ko itong gamitin para mapapayag sya sa gusto ko.

"Hindi ako sigurado kung totoo ang sinasabi mo," sabi ko, sinusubukang asarin siya. "Pero totoo man o hindi, kailangan mong maibalik 'yon saakin."

Kagaya ng inaasahan, pinilit niyang hindi siya nagsisinungaling. "May dangal ako!" aniya. "Hindi ko sisirain 'yon para sa ganoong bagay."

"Mabuti," sagot ko. "Kailan mo maibibigay ang dalawampung libo?" Bigla siyang natigilan ng marinig ang halaga ng vip card at sa kanyang reaksyon, halatang hindi niya inaasahan ang presyo nito.

"Twenty thousand? " Bulong nya.

Alam ko na magdududa siya, kaya kinuha ko ang cellphone ko at ipinakita ang proof of transaction.

Nang makita niya ito, halos matulala siya, parang pinagbagsakan ng langit.

Sa reaksyon nya ay alam ko na maaari kong magamit ang pag kakataon na iyon para mapasunod sya sa gusto ko. "Hindi mo kailangang bayaran 'yon kung wala kang pera," sabi ko, sinusubukang bawasan ang tensyon.

"Talaga? Hindi mo na ipapabayad sa akin?" aniya, ang kanyang boses ay puno ng pag-asa.

Napangiti ako, habang iniisip ang mga susunod kong gagawin. "Kung sasamahan mo ako maglaro, mababayaran mo na ang VIP card," sabi ko.

Agad siyang napangisi at mababakas aa mukha nya ang pagdududa. "Teka, hindi ko gusto ang sinasabi mo," aniya. "Alam ko na ginagawa mo 'to para masamahan kita sa paglalaro."

"Kung makapag salita ka ay para bang plinano ko ang lahat ng ito, tandaan mo, ikaw ang may kasalanan sa pagkawala nig VIP card ko," sagot ko.

"Natural lang na magbayad ka."

Napangisi siya at pinipigilan ang pag kairita. "Ayoko makasama ka dahil pinipilit mo ako," aniya. " May hinala na akong may masama kang binabalak saakin."

"Paano mo naman nasabing may masama akong balak sayo? Mabuti naman ang intensyon ko. " Tanong ko.

Humanga ako sa kanyang tapang na sabihin ang kanyang saloobin sa harap ko. "Wala akong mapapala kung haharasin kita," sabi ko, bahagyang natatawa.

"Gusto ko lang mag-enjoy sa paglalaro, at syempre, mabayaran ang utang mo. Abala ako sa trabaho, kaya hindi naman araw-araw tayong maglalaro."

"Kung sasamahan mo ako ng limang beses, kakalimutan ko na ang utang mo," dagdag ko, inaabot ang kamay ko para kunin ang kanyang numero.

Halata sa kanyang kilos ang kanyang iritasyon, ngunit wala siyang nagawa kundi kunin ang kanyang phone. Padabog niyang ibinigay ito, habang sinasabing Linggo lang siya libre dahil abala siya sa trabaho.

Pumayag naman ako, dahil pareho lang kami nagtatrabaho boung lingo. Hiningi ko rin ang kanyang national ID para malaman ko ang pangalan nya, ngunit tumanggi siya.

Bago pa siya makapagsalita ulit, sinabi ko, "Kailangan mo akong samahan bukas." Agad siyang nagalit, tinawag nya akong bingi dahil kailangan niyang magtrabaho para kumita.

"Wag kang mag-alala, babayaran kita sa pag abala ko sayo," sabi ko. "Magkano ba sahod mo dito?" "Tatlong daan lang ang bayad saakin dito," aniya.

"Pero kahit doblehin mo pa iyon ay hindi ako sasama sayo "

Bago pa siya makatapos, pinutol ko ang usapan. "Babayaran kita ng limang libo kung sasama ka bukas," sabi ko. Nagulat siya, at ilang segundo siyang hindi nagsalita.

Alam ko na nagdadalawang-isip siya na tangapin iyon kahit halata naman na kailangan nya ng pera, ngunit pinairal pa rin niya ang kanyang pride. "Hindi ako papayag," aniya, padabog.

"Ayaw ko sa mga katulad mo na iniisip na mukha kaming perang mga mahihirap."

Hindi ko maunawaan kung saan nanggagaling ang galit nya saakin pero humingi ako ng paumanhin para sa nasabi ko. "Hindi ko sinasadyang insultuhin ka," sabi ko.

"Kung gusto mo, isang libo na lang ang ibabayad ko para sa araw mo, inabala kita kaya normal na bayaran kita." Kahit iritable, pinilit niyang kumalma.

"Hindi normal na magbabayad ka ng ganoong halaga para lang makipaglaro," aniya. "Kaya hindi ko maiwasang magduda."

Inamin ko sa kanya ang pagkakaiba namin ng pananaw. "Hindi maganda pakingan na ginagamit ko ang pera ko para makuha ang gusto ko, pero ito lang ang meron ako. Maikli ang lang buhay, at kapag namatay ako, hindi ko na mapapakinabangan ang pera ko."

"Abala ako sa trabaho, kaya ayos lang sa akin magbayad para makapaglaro at maranasan ang buhay bilang kabataan."

"Ano? Gusto mong maranasan ang buhay bilang binata?" tanong niya, bahagyang natatawa. "Ganoon ba kalungkot ang buhay mo?"

Bigla akong napatayo, inilapag ang pera sa mesa para sa kinain ko. "Tch, wag mo ipaalala saakin ang mga bagay na iyon," sabi ko, bahagyang nairita.

Habang naglalakad palabas, sinabi ko, "Tatawag ako sa'yo bukas ng umaga. Ikakansel ko ang lahat ng meeting ko, kaya hindi ka pwedeng tumanggi."

Bago ako tuluyang umalis, hinawakan niya ang braso ko. "Bakit ka aalis nang hindi man lang sinasabi ang pangalan mo?" tanong niya.

Nasabi nya iyon saakin sa kabila ng pagtangi nya na malaman ko ang kanyang pangalan pero hindi naman ganun kalaking bagay saakin ang pagkakakilanlan nya.

Nasanay ako na maraming kumakausap saakin na mga taong hindi ko kilala at katulad nya ay isang araw ay hindi nya na rin ako maaalala.

Gayunpaman,naag-alinlangan ako na ibigay ang impormasyon tungkol sakin. "Mas mabuti na tawagin mo na lang akong Romeo," sagot ko. "at huwag ka nang magtanong tungkol sa pagkatao ko."

Sumimangot siya. "Mas kahinahinala ka dahil sa sinabi mo," aniya. "Kailangan ko malaman kung sino ang sinasamahan ko, kahit isa akong tomboy ay isa parin akong babae ."

Ngunit bago pa siya makapagpatuloy, tinawag na siya ng may-ari para mag-assist sa mga customer. Kinuha ko ang pagkakataon na makalayo at nagmadaling lumabas sa lugr na iyon.

Alam ko na hindi niya ako tatantanan sa paghingi ng impormasyon tungkol sa akin, pero hindi ko rin pwedeng sabihin ang totoo.

Paano kaya kung malaman niya na isa akong heneral? Ano kaya ang iisipin niya kung malalaman niyang naglalaro pa rin ako ng mga games at gumagala sa labas sa kabila ng posisyon ko sa militar?

Masyadong komplikado ang buhay ko—hindi ko pwedeng pabayaan ang tungkulin ko bilang gobernador-heneral, pero gusto ko ring mag-enjoy, lalo na't alam ko na maikli na lang ang oras ko.

Kung magpapatuloy ang rebelyon, maraming mamamatay, at kasamaang palad hindi malayong kasama na ako sa magbubuwis ng buhay.

Gusto kong matapos na ang lahat ng ito dahil wala akong ideya kong hanggang kelan ko ito kakayanin. Sana bago ako mamatay ay magawa kong mabigyan ang mga taong minamahal ko ng payapang bansa.

End of chapter.

More Chapters