Ficool

Chapter 144 - Chapter 142: FTT vs. RG

Tinawanan nila si Water sa kanilang gc at hindi rin kinalimutang bigyan ng goodluck. Nang pumunta na ang FTT sa venue sakay ng team van maingay na ang mga fans at halatang kakarating lang ng RG dahil paalis palang ang kanilang team van para pumunta sa parking lot.

Nagising si Jacian dahil sa malakas na sigawan ng mga fans at dinilat ang kanyang mga mata para tumingin sa bintana. Makikita ang mga fans na nakaabang sa entrada ng venue habang kinakaway nila ang kanilang mga banners, hinihintay nilang lumabas ang mga players ng FTT.

Nakangiting tumingin si Lucky sa bintana at zinip ang kanyang team jacket. "Bakit parang mas dumami sila ngayon? Kung ganito lang kadami yung supporters natin last season edi sana namotivate ako mag-training." Saad ni Lucky at tiningnan ang kanyang repleksyon sa camera ng kanyang cellphone.

"Kung nag-training ka edi sana noon pa dumami ang supporters ng team natin." Sagot naman ni Coach Dang at binato si Lucky ng pain killer patch.

"Meron na ako." Sagot ni Lucky nang masalo niya iyon.

"Para kay Gem yan."

"Awhs." Nilapag ni Lucky ang pain killer patch sa kandungan ni Gem at kinuha naman iyon ni Gem para idikit sa likod ng kanyang palad.

Mas lumakas ang naging sigawan ng mga fans nang lumabas na sila sa team van at dumaan sa gitna para pumasok sa venue, inabutan pa si Jacian ng lollipop na kaagad niya namang tinanggap.

Semi-finals na ito ng playoffs at mas marami ang mga audience kaya ibang venue rin ang ginamit ng PKL at mas malaki ito kumpara sa arena na ginamit nila nakaraan. Makikita ang mga costplayers na naka-upo sa VIP row kasama ang mga sikat na steamers ng HoK, kumaway sila sa camera nang dumaan iyon kaya nagsimulang mag-ingay ang mga audience, hindi nila inaasahan na inimbita ng PKL ang mga paborito nilang streamers ngayong match.

Umakyat sa stage si Ms. Phara at sinimulang ipakilala ang mga players ng RG simula sa kanilang clash laner at support, sunod nitong tinawag ang FTT kaya umakyat narin sila sa stage at tumayo sa magkabilang gilid para sa trash talk segment.

Makikita ang nakangiting mukha ni Water na siyang nakatayo sa kabilang side habang nakatingin kay Jacian, samantalang, hindi naman iyon napansin ni Jacian dahil deritso lang ang kanyang tingin na animo'y hinihintay na matapos ang trash talk segment.

Pinapunta ni Ms. Phara sa gitna ng stage sina Water at Lucky, at mapapansin naman na parehong nakangiti sa isa't isa ang dalawang marksman ng team na parang inaasahan narin nila na sila ang tatawagin.

"Lucky, kaharap mo ngayon si Water at sabi mo nakaraan gusto mong makalaban ang Team RG kumpara sa GOT-G dahil gusto mong bumawi. Paano mo babawian ang Team RG, ano ang palag mo?"

Bahagyang yumuko si Lucky para lumapit sa microphone na hawak ni Ms. Phara. "Kaya pala RG ang pangalan ng team niyo kasi pang rank game lang din ang lakas niyo." Nakangiting saad niya.

Nakatanggap si Lucky ng malakas na sigawan mula sa audience at winawagayway na nila ngayon ang kanilang black and gold banners.

Tumango-tango si Water at siya naman ang tinanong ni Ms. Phara. "Water, paano mo naman masisigurong hindi makakabawi ang FTT, ano ang palag mo?"

"Pang rank game lang din kasi yung lakas ng kalaban." Palag ni Water at nagpakita pa ng 'okay' handsign kay Lucky na ang ibigsabihin ay 3-0.

Tumawa si Ms. Phara dahil sa trash talkan ng dalawa na ikinaingay ng mga audience at tinapos iyon sa pamamagitan ng fist bump. Nagsimula na ang 5 seconds countdown sa big screen matapos ang mic test ng dalawang teams at pumasok na kaagad sa ban/pick phase. 

Commentator Waver: "Nakakakaba ang match natin ngayon dahil semi-finals na po ng ating season at alam naman natin na ang sino mang manalo sa dalawang teams na ito ay makakapasok sa grand finals at ang matatalo ay mai-eliminate na sa ating season. Kaya naman mapapansin ang mabigat na ekspresyon ng dalawa nating coach ngunit kakikitaan parin naman ng kalma ang mukha ng ating mga players at makikita nga natin sa side ng RG na nakangiti pa si Water at ganun din naman si Boss sa side ng FTT."

Commentator Zia: "Wow, parang ang hirap huminga noh? Kung iisipin mong isang series nalang 'to at kapag natalo pa tayo dito wala na, balik nalang ulit next season. Grabe, nakakapagpabagabag."

Commentator Waver: "Sobra, at katulad nga ng nakita natin last match ng RG at FTT sa GOT-G pareho silang nakakuha ng kalahating points pero sa huli GOT-G parin ang nanalo. Hindi pa nila natatalo ang GOT-G ng isang series kaya naman mahirap alamin kung sino ba ang mananalo ngayong match."

Tumango si Comments Zia: "Pero nung huling laban ng FTT sa GOT-G nung knockout stage... parang nagkaroon ng mali si Just doon sa naging pag-initiate niya ng teamfight, kasi naka-retreat na yung apat siya nag-initiate. Nagulat din talaga tayo doon diba? At pati ang mga audience. Sayang, parang kunting push nalang panalo na pero biglang nabaliktad."

Commentator Waver: "Yeah, pero bakit parang hindi alam ni Just na nag-retreat yung apat, nun? Medyo hindi sila nagkaunawaan sa desisyon nila kaya nagkaroon ng error, pero sana naman maging smooth ang laban ng dalawang teams natin ngayon at hindi na tayo pahirapan sa pagpili ng hero."

Commentator Zia: "Totoo yan, at mukhang hindi nga tayo papahirapan ng dalawang teams dahil expected narin si Arli na mailagay sa ban spot. Arli para sa first ban spot ng FTT." Saad ni Commentator Zia.

Hindi hinayaan ng FTT na makalabas si Arli sa ban spot dahil isa si Arli sa mga ginamit ni Water laban sa HUV kaya nahulog ang HUV sa lower bracket at tuluyan naring nai-eliminate. Ginamit din ni Water si Arli laban sa GOT-G at ilang beses nitong na-solo kill si Lessen nung late game at nagawang i-extend ang series.

Napunta naman kay Liang ang second ban spot ng FTT at halatang balak nanaman ng FTT na gumamit ng assasins hero. Binan naman ng RG si Sakeer dahil baka ilabas ni Boss ang kanyang assassin mage na si Shangguan ngunit nang lumabas ang 2 picks ng FTT wala doon si Shangguan, kundi si Li Bai at Sima Yi.

Nagulat ang dalawang commentators dahil sa Sima Yi pick ng FTT para kay Boss. Hindi nila alam kung bakit araw-araw nalang may nilalabas na bagong hero ang FTT, itong Sima Yi sa mid lane sobrang hindi nila in-expect na makakakita sila ng ganitong line-up dahil sa rank game lang nila nakikita si Sima Yi at ginagamit ito ng mga junglers. Hindi pa rin nagagamit si Sima Yi sa PKL at zero win rate pa ang record nito.

"Sima Yi?" May gulat na tanong ng coach ng RG.

Tumango naman si Water. "Baka naisip ng FTT na kukunin natin si Ziya kaya kinuha kaagad nila si Sima Yi para may pang-counter." Sagot ni Water.

"Mm, balak ko ring kunin si Ziya sa mid at si Chano para sa'yo." Sagot ng kanilang coach.

Water: "!!!" Fuck!

Hindi maiwasang mura ni Water. Kinuha ng FTT si Sima Yi na pang counter kay Ziya at binan si Chano, yung dalawang hero na kukunin dapat nila ay biglang nawala. Hindi na sila p'wedeng gumamit ng Ziya sa mid at Chano sa farm lane. Mukhang mapipilitang ilabas ng kanilang coach ang line-up nila na para sana sa susunod na games.

Sa huli, kinuha nalang ng RG si Consort Yu dahil kaya niyang i-counter si Li Bai. Kailangan ng RG i-drag sa late game ang match para magkaroon ng damage si Water dahil kung mapapansin mahihirapang mag-push si Water ng mga towers dahil sa dou ng Li Bai at Sima Yi. Nakuha ng FTT ang gusto nilang makuhang line-up at nasa kanila rin si Erin na siyang best teammates ni Li Bai na hawak ni Lucky ngayon. Kung babalikan sa mga nagdaang matches ng FTT, isa si Erin sa mga ginamit ni Lucky at nagawang makadouble kill sa early game palang ng match. Kaya tinitingala din ang Erin ni Lucky at mahirap hulaan kung sino ang mananalo dahil malakas din si Erin sa late game at sobrang layo ng kanyang range, mahirap din siyang i-gank dahil walang makalapit sa kanya kapag meron siyang ultimate.

Ngunit hawak din naman ni Water si Consort Yu at kung masusuppressed niya si Lucky sa lane mas madali siyang makakapag-rotate sa mapa.

Dahil si Water ang target locked, kinuha ng Coach ng RG si Ming para lang maging safe ang early ni Water. Siya ang target at sa loob ng 2 minutes nag-tower dive na kaagad si Boss gamit ang ultimate ni Sima Yi at nakuha kaagad ang first blood!

Ito ang mahirap kapag may Sima Yi dahil masasabi nilang kawawa talaga ang mga marksman na napakatagal mag-farm tapos saglit lang i-tower dive ni Sima Yi na parang gumamit lang ng smite. Hindi rin mapapansin kung nasa paligid lang si Sima Yi dahil malayo ang range ng kanyang ultimate at kahit nasa kalagitnaan palang siya ng jungle kaya niya ng i-dive ang marksman na yumayakap sa tower.

"Kailangan ko ng assist." Ani Water dahil pumunta sa mid ang kanilang support gamit ang hero nitong si Ming. "H'wag kayong magpapapatay kay Boss para hindi tumaas ang gold niya."

"Noted."

Nang mabuhay ulit si Water, sinamahan na ito ng support at unti-unting naging balanse ang kontrol nila sa mapa. Na-punish nila ang FTT at napabagsak ang mga turrets, nangunguna si Water sa pagiging gold lead at sinundan iyon ni Boss at Just. Apat na beses ng namatay si Lucky at mababa pa ang damage niya ngayon kumpara kay Water, nauna ring nag-collapse ang farm lane dahil pinatumba ni Water ang kanilang turrets sa farm lane hanggang sa high ground nalang ang maiwan, samantalang ubos din naman ang turrets ng RG sa mid lane dahil laging nililinis ni Jacian ang minion wave at napapatay ang mid laner ng RG.

Nang umabot sa 10 minute mark, nag-enhance ang overlord/tyrant at nauna kaagad ang RG doon sa may overlord pit para kunin iyon. Mabilis na bumaba ang HP ng overlord at sinamantala iyon ng RG habang malayo pa ang mga players ng FTT, kung makukuha ng RG ang overlord, p'wede na silang mag-push hanggang high ground at madali nalang para sa kanila ang ma-ACED ang FTT dahil mayroon silang shadow vanguard. Agaran na nga nilang inatake ang overlord ngunit bago pa man maka-smite si Crowd, makikitang nasa mid lane si Boss at ginamit nito ang kanyang ult para mag-dive doon sa may overlord pit at nagawa nitong ma-snatch ang overload na pinaghirapang kunin ng RG kanina.

(FTT.Boss) Crucial Kill Theft (Overlord)

Napa 'WOW!' ang dalawang commentators maging ang mga audience at maririnig nanaman ang malakas na sigawan sa audience area lalo na sa side ng FTT.

Commentator Zia: "What? Ang pinaghirapan ng RG ay nakuha lang ni Boss ng ganun kabilis! Iba si Boss ngayon talagang may gustong patunayan."

Hindi makapaniwala si Commentator Waver: "Gamay na gamay si Sima Yi. Paano nangyari yun? Hindi man lang siya nag-alanganin na magdive doon sa pit kahit na may limang players ng RG ang kanina pa sumasayaw doon."

Commentator Zia: "May nakita ako ha, ganito pala mag Sima Yi, gagamitin mo muna yung skill 1 para naka-CC immune ka tapos dive bago yung crowd control. Kasi tingnan mo, naka-CC immune si Boss tuwing mag-tatower dive siya. Parang ang hirap din kasi kung hindi ka naka-CC immune tapos magdadive ka, kapag kinapitan ka ng CC parang free delivery kill yung ginawa mo. Nagdive ka dun sa pit para magpakamatay."

Nilabas na ng FTT ang kanilang malaking shadow vanguard o yung tinatawag nilang mama dragon dahil malaki siya kumpara sa ibang shadow vanguard. Nilagay nila iyon sa mid lane at nagsimulang mag-push patungo sa high ground ng RG.

More Chapters