Ficool

Chapter 138 - Chapter 136: Target Locked

Isang malaking kawalan kapag namatay ang jungler sa early dahil wala ng nagpapayaman sa ekonomiya, ito ang ginagawa noon ng ibang teams tuwing FTT ang kalaban nila dahil kapag na-punish nila si Just sa early game masisira ang rhythm ng FTT at madali nalang para sa kanila ang sakupin ang jungle ng FTT. Ngunit ngayon, mapatay man nila si Just nand'yan pa si Boss na siyang backbone ng team, kaya niyang pagalawin ang kanyang mga teammates na parang pangalawang jungler ng FTT. Mapatay man nila si Just tuloy parin ang rhythm ng FTT, maging si Lucky ay nagiging aggressive narin at walang takot dahilan para mahirapan silang mapasok ito.

Isa ito sa nagpapasakit ng ulo ng mga teams dahil hindi nila alam kung sino ang magiging target nila, kung papatayin nila si Just nand'yan pa si Boss, kung papatayin nila si Boss, nand'yan si Lucky. Idagdag pa ang lakas ni Blue at heal ni Gem, hindi nila mahanap ang p'wedeng maging breakthrough point ng FTT. Makikita ang malaking kalamangan ng FTT matapos makuha ni Just ang tyrant, halatang gusto nanamang tapusin ng FTT ng maaga ang laro dahil hindi na nila hinayaang makahanap ng advantage ang EPG.

Nahihirapang kumuha ng magandang posisyon si Kirsty dahil lagi siyang hinihila ni Jacian palayo sa kanyang mga teammates at laging napapatay ni Just. Dumadami na ang kanyang deaths dahil siya ang target ni Jacian at kanina pa nababahiran ng inis ang kanyang mukha, gumalaw ang kanyang panga at humigpit ang kanyang pagkakahawak sa gaming phone nang hilahin nanaman siya ni Jacian at mapatay.

Salubong ang kilay ni Kirsty at halos pumutok na ang kanyang pimple sa pagitan ng kanyang kilay dahil sa pagkakasalubong ng kanyang kilay, nilapag niya ang kanyang gaming phone sa mesa at kinuha ang tumbler sa baba para uminom.

"Kaya pa bang mag-defend?" Tanong ng teammates niya.

Nangalit ang ngipin ni Kirsty at binalik ang tumbler sa baba, 0-8-2 ang kanyang KDA at alam ng mga teammates niya kung gaano na kalaki ang galit niya ngayon, ngunit wala naman silang magagawa kundi ang mag-retreat dahil kung hindi sila mag-reretreat siguradong uubusin sila ng FTT. Maging ang mga audience at viewers sa official live broadcast ng PKL ay nagulat dahil sa KDA niya ngayon. Ngunit mas lalo silang nagulat dahil sa ginagawang pag-target lock ni Boss kay Kirsty, sa paraan ng pag-target niya kay Kirsty, animo'y si Kirsty lang ang nakikita niya. Maging ang buong FTT ay si Kirsty ang target, gustuhin mang mag-assist ng mga teammates ni Kirsty ngunit hindi rin nila magawa dahil patungo palang sila na-slain na si Kirsty kaya wala silang pagpipilian kundi ang mag-retreat.

Naaalala ng mga audience at viewers ang ginawang pag-iwan ni Kirsty sa mga teammates niya nung regular season, iniwan niya ang mga teammates niyang makipag-4v5 sa FTT na dapat nandun siya dahil hawak niya si Yuhuan na magaling mag-control ng teamfight at may heal, ngunit imbes na bigyan ng assist ang kanyang teammates nag-retreat siya para iligtas ang kanyang sarili. Hindi maintindihan ng mga audience at viewers kung bakit ganun ang naging plano ni Kirsty, maging ang mukha ng mga teammates niya ay nababahiran ng pagtataka dahil sa ginawa niya. Ngunit ngayon, kabaliktaran naman ang nangyari, si Kirsty ang target ng FTT at ang mga teammates niya naman ang nag-retreat, hinayaan nilang makipag 1v5 si Kirsty. Nakakaranas siya ngayon ng VIP treatment.

Ngunit naiintindihan ng mga fans kung bakit nag-retreat sila dahil wala rin naman talaga silang laban, sobrang lakas ng damage ng FTT at kung pipilitin pa nilang ipaghiganti si Kirsty at ituloy ang teamfight baka sila pa ang ma-ACED at matapos ang laro ng mas maaga. Ano nalang ang sasabihin ng mga fans kapag natapos ang match sa loob ng 7 minutes? Siguradong iisipin ng mga fans na may kalabang noobs ang FTT.

Nag-push na ang FTT sa crystal nang ma-ACED ang EPG ngunit dalawang segundo nalang din ay mabubuhay na si Kirsty, gusto pang i-defend ni Kirsty ang crystal at ginamit kaagad ang kanyang ultimate para i-clear ang minions ngunit bigla siyang ginamitan ni Jacian ng skill 1 at hinila palabas ng spawn point.

Kirsty: "!!!"

(FTT.Boss) GODLIKE! (EPG.Kirsty)

ACED!

Nagulat ang mga audience dahil sa ginawa ni Boss kaya lumakas ang sigawan sa audience area. Holy shit! Anong klaseng move yun?

Namatay si Kirsty kaya na ACED ulit sila, wala na talagang pag-asang ipaglaban ng EPG ang kanilang crystal at sumabog iyon sa harap mismo ng kanilang mukha.

VICTORY!

Sa loob ng 8 minutes, nagawang tapusin ng FTT ang game 2. Na-2-0 ulit nila ang EPG at makikita ang ngiti sa mukha ng mga players ng FTT nang tanggalin nila ang kanilang noise-cancelling headphones. Hindi lang ito basta panalo at hindi lang ito basta 2-0, kundi mananatili silang nasa upper bracket at makakapasok sa knockout stage. Ito ang unang season ng FTT na kasama nila si Jacian ngunit nakapasok kaagad sila sa knockout stage. Masaya ang kanilang mga fans at walang pagod nilang winawagayway ang malaking banner nang pumunta ang FTT sa gitna ng stage matapos kausapin ni Ms. Phara ang EPG.

Binigay ni Ms. Phara ang microphone kay Lucky para kausapin ito. "Anong pakiramdam na pasok na kayo sa knockout stage, alam ko namang alam niyo na kapag nanalo kayo sa knockout stage secured niyo na ang Grand finals."

Tumango si Lucky habang nakangiti. "Masaya naman po kasi hindi nasayang yung practice namin."

"Lucky, laban mamaya ng GOT-G at RG at kung sino man ang mananalo sa dalawang team na yun sila ang makakalaban niyo a knockout stage. Sino sa kanila ang gusto niyong makalaban sa knockout stage?"

"Yung RG po." Sagot ni Lucky.

"Bakit yung RG?"

"Gusto ko kasing bumawi eh, last season kasi durog kami." Sagot ni Lucky na ikinatawa ng mga audience. Naaalala ni Lucky na 5 times siyang namatay at halos isang buwan silang hindi nagbukas ng kanilang social media account dahil sa dami ng anti-fans. Ang akala nga rin nila mag-reretired na si Just dahil iyon ang gusto ng mga fans ngunit hinayaan lang nila hanggang sa humupa ang sama ng loob ng mga fans.

Susunod ang laban ng GOT-G at RG kaya nagdesisyon silang manood muna ng laban bago umuwi, ang sinong mananalo sa dalawang team na 'to ay makakalaban nila sa knockout stage. Kapag natalo sila sa knockout stage mahuhulog sila sa lower bracket ngunit isang talo nalang mai-eliminate na sila, ngunit kapag nahulog sila sa lower bracket at manalo makakapasok sila sa Grand finals.

Sa laban ng GOT-G at RG, nanalo ang GOT-G sa game 1 ngunit natalo sila sa game 2 kaya naging tie ang score, ngunit sa game 3 nanalo parin ang GOT-G pero umabot iyon ng 20 minutes at parehong crystal nalang ang naiwan sa dalawang teams. Nanalo ang GOT-G dahil sa ginawang pagnakaw ni Lessen sa crystal ng RG habang nasa teamfight ang RG sa farm lane. Mababakas ang panghihinayang sa mukha ng mga players ng RG ngunit hanggang doon lang ang inabot ng kanilang lakas, kaya mahuhulog sila sa lower bracket at makakalaban nila ang HUV na nahulog nila nung play-ins.

Ngunit mapapansin na mainit ang laban sa pagitan ng GOT-G at RG ngayong season dahil halos umabot ng 15 to 20 minutes ang kanilang match at halatang walang may gustong magpatalo. Masasabi nilang mas lumakas ang RG ngayon dahil nagawa nilang pabagsakin ang HUV sa lower bracket na noon ay laging pumapangalawa sa GOT-G, na-solo kill din ni Water si Lessen nung sinubukan nitong i-gank si Lessen sa farm lane, ngunit malakas ang game awareness ni Water at alam niyang nakatago doon si Lessen kaya ang ginawa niya ginamitan kaagad ng CC sabay skill combo. Malakas na ang RG ngunit natalo parin ito ng GOT-G kaya kinakailangan nanaman ng FTT ang magpuyat ng ilang araw para sa kanilang training.

May tatlong araw pa bago magsimula ang knockout stage ngunit nakita naman nila kung gaano kalakas ang kanilang makakalaban kaya kailangan nila ng puspusang training kung gustuhin man nilang makapasok sa global competition, kaya sila narin mismo ang nagkusang pumunta sa training room para magpractice. Halos mahilo-hilo pa si Coach Dang nang pumunta siya sa training room matapos aralin ang match ng FTT sa EPG at match ng GOT-G at RG. Ngunit mas lalo siyang nahilo nang makitang naroon na kaagad ang FTT sa training room. Nagulat siya, noon kailangan niya pang i-chat para ipaalam na pumunta sa training room at maghintay ng ilang sandali ngunit ngayon parating palang siya may naghihintay na kaagad.

Hindi narin nagsayang ng oras si Coach Dang at kaagad sinimulan ang kanilang training. BO5 na ang susunod nilang laban sa knockout stage kaya kinakailangan nila ng maraming hero at maraming line-up. Halos wala silang tulog at umaga na nakakapagpahinga, sakto namang nag-chat si Xiaowang kay Jacian at niyayaya siya nito sa rank. Nag-reply naman si Jacian na wala siyang time ngayon ngunit sinabi ni Xiaowang na isang game lang. Mariing napapikit si Jacian at sumandal sa sofa, nagdesisyon siyang samahan nalang ito dahil isang game lang naman.

Tulog na ang mga teammates niya ngunit nanatiling naka-upo parin siya sa gaming chair para samahan sa match ang big spender niya. Kulang ang kanyang tulog kaya sa sumunod na practice nila makikita ang maitim niyang eyebags, tinulak niya ang pinto ng training room bitbit ang isang basong kape at umupo sa gaming chair. Bahagyang kumunot ang noo ni Just nang makita ang itsura niya.

"Hindi ka ba nakatulog?" Hindi maiwasang tanong ni Just.

Umiling lang si Jacian at humigop sa kanyang kape, pakiramdam niya kung hindi siya magkakape matutulugan niya ang kanilang training.

"Kinulit ka nanaman ng big spender mo?"

"Mm." Sagot niya at humikab, yumuko siya sa mesa at ipinatong ang kanyang mukha sa kanyang mga braso na nagsilbing unan. Ngunit nag-angat siya ng mukha nang maramdamang tumayo si Just, lumabas si Just sa training room at pagbalik nito may dala na itong apat na nilagang itlog.

"Kumain ka nito kung lagi kang nagpupuyat." Saad ni Just.

Tiningnan lang ni Jacian ang laman ng mangkok at bumalik ulit sa kanyang pagkakayuko. "Gisingin mo ako 'pag nand'yan na si Coach Dang." Mabagal na saad niya. Ngunit idinilat niya uli ang kanyang mga mata nang marinig niyang tinuktok ni Just ang itlog sa mesa at sinimulan itong balatan. Tiningnan niya si Just ngunit nakita niyang seryuso lang nitong tinutuklap ang balat ng itlog gamit ang mahaba nitong kuko.

Bumangon si Jacian at nagdesisyong sumandal sa gaming chair, sinabihan siya ni Just na kumain siya kaya kumuha siya ng isa at inilagay iyon sa kanyang bibig.

"Dahan dahan mabulunan ka." Sita ni Just na inilingan niya.

Ilang sandali naman ang makalipas nang magsidatingan ang kanilang mga teammates at kumislap kaagad ang mga mata ni Lucky nang makita ang ilang piraso ng nilagang itlog na walang balat.

"Wow, bigyan mo ako ng isa." Saad ni Lucky at dumukot sa mangkok ngunit tinabig ni Just ang kamay niya.

Lucky: "???"

"Kay Jacian yan, kumuha ka sa kusina." Lintaya ni Just.

Binawi naman ni Lucky ang kanyang kamay at hindi makapaniwalang tiningnan si Jacian na abala sa pagkain. "Grabe, ang lakas mo kay Cap Tin."

Bahagya namang tumawa si Blue sa gilid, lumabas ulit ng training room si Lucky para kumuha ng itlog. Maya-maya lang pumasok narin si Coach Dang para simulan ang kanilang training, nilapag niya ang hawak niyang folder sa mesa at naglakad patungo sa malaking TV para i-on yun ngunit napahinto siya at nilinga ang mga players ng FTT.

"Sinong umutot sa inyo? Amoy utot ang training room." Reklamo ni Coach Dang.

Ngunit iniangat lang ni Lucky ang hawak niyang itlog. "Kumakain ng itlog here." Wala sa sariling sagot niya.

Tuluyan nang ini-on ni Coach Dang ang TV at bumalik sa kanyang mesa. Ngayong araw nalang ang magiging training nila dahil bukas na ang kanilang match, mukhang magiging mainit ang laban nila bukas ng GOT-G dahil parehong walang balak magpa-schedule ng practice match ang dalawang coach. Ang sabi ni Coach Dang sa kanila kung magpapa-schedule ng practice match ang GOT-G papayag siya, pero kung siya ang magpapa-schedule hindi na nila kailangan dahil alam niyang may kayang patunayan ang FTT.

More Chapters